[Book Talk] Ang Pagbuo ng Kartograpiya
Paano nga ba nabuo ang aklat ng mga tula ni Ralph Fonte na Ang Kartograpiya ng Pagguho? Nauna ba ang mga tula sa mga guhit na kabilang sa aklat? O nauna ba ang mga guhit bago isulat ang mga tula? O marahil, nauna kaya ang "pagguho" bago pa mang subukang buuin ang Kartograpiya?
Ano pa man, nais naming usisain ang manggagamot, manlalakbay, at makatang si Ralph Fonte kasama ang mga gumuhit ng obra sa aklat na sina Jem Magbanua at Zeke Cancio tungkol sa napakaganda at napakayamang ugnayan ng sining at panitikan.
Kasama si Yol Jamendang ng Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila, samahan ninyo kami sa ika-7 ng Setyembre, 5:00 ng hapon sa aming Facebook Live. Abangan ito sa Facebook page ng Ateneo de Manila University Press.
![Book Talk: Ang Pagbuo ng Kartograpiya](/sites/default/files/inline-images/Online%20Book%20Talk-Facebook.png)
Mga Tagapanayam
Si Ralph Fonte ay isang makata, manggagamot, at manlalakbay. Nailathala na, o nakatakda nang ilathala, ang kanyang mga akda sa iba’t ibang publikasyon tulad ng The Mekong Review, Cordite Poetry Review, TLDTD, TOMÁS, Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature, at iba pa. Nakapagwagi na rin sa ilang mga patimpalak, tulad ng Gawad Carlos Palanca at Gawad Maningning Miclat, ang kaniyang mga tula, samantalang hinirang naman siyang kauna-unahang Tanghal-Makata ng Taon sa Performatura Literary Festival, taong 2019. Siya ang kasalukuyang patnugot sa tula ng Ilahas, isang bagong literary journal sa internet.
Nakuha ni Jem Magbanua ang kanyang degree sa Fine Arts mula sa Lasalle College of the Arts Singapore, First Class. Siya rin ay nakatanggap ng 2013 Winston Oh Travel Award at nagtapos ng ilang artist residencies sa Japan kasama ang Itonami Air Program, Daisen Animation Project, at Studio Kura. Ang mga obra niya ay nakasama na ilang solo at group exhibitions sa Pilipinas, Estados Unidos, Japan, Taiwan, at Singapore.
Si Zeke Cancio ay kumukuha ng inspirasyon mula sa mga natural na imahe at pagbuong heolohikal habang mausisang sumusubok ng iba’t ibang materyal sa pagpipinta at pag-uukit. Noong 2016, natanggap niya ang kaniyang bachelor’s degree sa pagpinta mula sa University of the Philippines, College of Fine Arts, kung saan nagtapos siya bilang cum laude. Kasalukuyan siyang naninirahan sa Quezon City at nagtuturi ng sining.
Si Yol Jamendang ay guro ng Panitikan at Kulturang Popular sa Kagawaran ng Filipino, Pamantasang Ateneo de Manila. Kasama rin siya sa mga host ng programang Sari-sari: Panitikan at Kulturang Filipino sa Radyo Katipunan 87.9 FM.
Tungkol sa aklat
Ang Kartograpiya ng Pagguho ay kuwento ng bigong pag-ibig sa apat na yugto. May iniiwan umanong bakas ang bawat pagdaraop. Sa gayon, tungkol din ang koleksiyon sa iba’t ibang paglalakbay at lunan, sa bawat sandaling nag-uumapaw ang damdamin sa katawan at nag-uukit ng alaala sa iniiralang sandali at lunan. Subalit hindi lamang gunita ang Kartograpiya kundi isa ring liham ng pag-ibig sa lahat ng nawaglit: mga taong minahal, mga iniwanang lugar, ang buong daigdig nating nasusunog sa bingit ng pagguho. Mga limot na bayan. Mga lumulubog na pulo. Mga basyo ng punglo. Bahagyang luksampati at bahagyang paluwalhati, tangka nitong imapa ang pagguho ng mundo sa iba’t iba nitong anyo, maging ang pagbalong ng rilag sa lahat ng pagkabigo. Sa lahat ng pag-ibig kahit nabigo. Sa lahat ng guho. Hindi dahil alindog lagi ang paglalaho kundi dahil minsan tayong nagmahal at minsan nitong binago ang mapa ng mundo.