KAGAWARAN NG FILIPINO

Degree Programs

Body

Undergraduate Programs
 

Mga Programa

Iniuugat ng mga programa ng Kagawaran ng Filipino ang edukasyon ng Atenista sa kulturang bayan samantalang pinauunlad din ng mga kaalaman sa panitikan ng mga bayang Silanganin at Kanluranin. Gamit ang pag-aaral ng panitikang Filipino bilang panimulang hakbang, hinuhubog ang mag-aaral na makapagpatuloy sa pagpapakadalubhasa sa Panitikang Filipino, rehiyonal at etniko, upang maging mabisa siyang propesyunal sa mga larang ng edukasyon, pananaliksik at kritisismong pampanitikan at pangwika, malikhaing pagsulat, pagsasalin, komunikasyon, at iba pang kultural na gawain sa loob ng pagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor, maging sa mga global at internasyonal na pakikisangkot.
 

AB Panitikang Filipino

Bukas para sa lahat ng mag-aaral sa antas ng kolehiyo. Higit nang nakatuon ang binagong programa ng AB Panitikang Filipino sa mga bagong larang ng pag-aaral na pampanitikan at kultural. Hindi na lamang nakakahon sa mga pag-aaral ng mga anyong pampanitikan at karaniwang kritikal na kategorya ang programa; bagkus, ipinakikilala na rin nito ang mga pag-aaral sa katawan, damdamin at pandama, mga topograpiya, mitopoetika,  performance, diaspora, mga pagsasalin at pag-aangkop, araling siyudad, ekolohiya, mga nilalang at panahon, at iba pang pakikisangkot na interdisiplinaryo ng pampanitikang pag-aaral at kultural.
 

AB–MA Panitikang Filipino

Isang espesyal na programa na bukas para sa mga mag-aaral na kumukuha ng AB Panitikang Filipino na magpapakita ng kahusayang tapusin nang tuloy-tuloy sa loob ng limang taon ang di-gradwado (AB) at gradwadong (MA) programa. Iniaalok ng Kagawaran ang AB/MA Panitikang Filipino sa mga mag-aaral na nagtamo ng matataas na marka sa antas di-gradwado at nagpamalas ng sigasig na makapag-ambag sa higit na pag-unlad ng pananaliksik sa larang ng Panitikang Filipino.
 

Minor Panitikang Filipino

Bukas para sa lahat ng mag-aaral sa antas ng kolehiyo, na nais pagyamanin pa ang kanilang kaalaman sa kultura, wika at panitikang Filipino nang higit pa sa itinuturo sa core curriculum. Kinakailangan lamang ang karagdagang 15 unit, katumbas ng 5 kurso, na kukunin sa loob ng Kagawaran ng Filipino. Kabilang sa mga nasabing kurso ang mga introduksiyon sa pampanitikang pag-aaral, teoryang pampanitikan at pangkultura, at postkolonyalismo.

 

 GABAY PARA SA MGA ETIKA SA PANANALIKSIK_1.pdf

 AB Panitikang Filipino.pdf

 Minor in Panitikang Filipino.pdf
 

Graduate Programs
 

MA Panitikang Filipino

Bukas para sa lahat ng mag-aaral na nakapagtapos na ng kanilang kolehiyo sa anumang larangan, at nais magpakadalubhasa sa Panitikang Filipino. May ibinibigay na 50% diskuwento sa matrikula sa mga gurong papasok sa programa. Kinakailangan lamang magpasa ng sertipikasyong magpapatunay ng panunungkulan bilang guro sa pinaglilingkurang institusyon.

Nakatuon sa pananaliksik ang programa. Sasanayin ang mag-aaral sa iba’t ibang paraan ng pagsusuri at pananaliksik na pampanitikan at pangkultural.  Nagwawakas ang daloy ng progama ng mag-aaral na papasok sa MA Panitikang Filipino sa pagpapasa ng tesis. Maaari silang magpasa ng tesis na produkto ng pananaliksik pampanitikan o kultural, pagsasalin, o malikhaing pagsulat. 
 

MA Pagtuturo ng Filipino

Bukas para sa lahat ng mag-aaral na nakapagtapos na ng kanilang kolehiyo sa anumang larangan, at nais magpakadalubhasa sa pagtuturo ng Panitikang Filipino sa anumang antas. May ibinibigay na 50% diskuwento sa matrikula sa mga gurong papasok sa programa. Kinakailangan lamang magpasa ng sertipikasyong magpapatunay ng panunungkulan bilang guro sa pinaglilingkurang institusyon.

Kaiba sa sa pagpapakadalubhasa sa larang ng edukasyon, higit na pagtutuunan ng programa ang pagpapayaman ng kaalaman ng mag-aaral sa  panitikang Filipino kaysa sa mga estratehiya ng pedagohiya. Nagwawakas ang daloy ng progama ng mag-aaral na papasok sa MA Pagtuturo ng Filipino sa pagpapasa ng tesis na kaugnay ng pagbubuo ng mga kasangkapang panturo nang ginagamit na nilalaman ang mga natutunan sa panitikang Filipino. Maaari silang magpasa ng tesis na koleksiyon ng mga modyul, silabus, teksbuk, o programa ng pagtuturo.
 

 GABAY PARA SA MGA ETIKA SA PANANALIKSIK.pdf

 MA Pagtuturo ng Filipino.pdf

 MA Panitikang Filipino.pdf


Kagawaran ng Filipino

3/F Horacio de la Costa Hall
Ateneo de Manila University Loyola Heights campus
Katipunan Avenue, Loyola Heights
1108 Quezon City
Philippines
​​​​​​

Telephone +63 2 8426 6001 loc.5320 to 21
Cellphone +63 961 0372448
filipino.soh@ateneo.edu

Contact the Department