[Tinig] Ang Pagsasalita at Pagkilos para sa Katarungan Bilang Bahagi ng Misyon ng Simbahan
18 Jul 2022 | Edwin B Odulio
“Bakit na naman nakikialam ang Simbahan?” “Bakit nakikisangkot sa mga usaping panlipunan ang mga pinuno ng relihiyon at mga guro ng pananampalataya?” Ito ang ilan sa mga tanong at sinasabi ng marami laban sa panghihimasok ng Simbahan sa mga nangyayari sa politika at lipunan. Sa aking karanasan, minsan na rin akong nasabihan na huwag makialam at magsalita ukol sa mga isyung panlipunan dahil Teolohiya naman daw ang itinuturo ko at hindi Economics o Political Science. Tila ba para sa kanila, ang Simbahan at ang mga lider o guro nito ay dapat manatili lamang sa mga bagay na pagsamba at pagdarasal at huwag makisangkot sa alinmang isyu na mayroon ngayon sa pambansang lipunan tulad ng problema sa droga, sa mga patayang nagaganap, sa korapsiyon, sa laganap na mga fake news, at iba pa. Sa isang banda, dapat nga naman talagang may pamantayan din ang sinasabi ng mga pinunò at mga tagapagturo ng Simbahan dahil kailangan din nilang makinig sa taumbayan na mas dalubhasa sa mga larang na pinag-uusapan tulad ng batas, kalusugan, at seguridad sa lipunan. Ngunit, tama nga ba na manahimik na lamang ang mga pinunò, tagapagturo, at mga kasapi ng Simbahan tulad ng sinasabi ng iba? Tama nga ba na ipaubaya na lamang sa mga nasa larang ng politika, ekonomiya o agham ang pag-iisip at pagpapaliwanag sa mga suliranin at isyung panlipunan? Nais kong magbigay ng ilan sa mga dahilan kung bakit hindi maaaring manatiling tahimik ang Simbahan sa mga panlipunang isyu na nagaganap ngayon o kahit pa sa hinaharap.
![Gesu](/sites/default/files/inline-images/Loyola%20Schools%20Architecture_120419_0089.jpg)
Una, ang bawat miyembro ng Simbahan o alinmang relihiyon ay mámamayán pa rin ng lipunang kanilang kinabibilangan. Hindi inaalis ng pagiging kabilang sa isang paniniwala o relihiyon ang pagkamámamayán. Ang mga Katoliko, Protestante, o mga Muslim ay mámamayán pa rin ng lipunang kanilang kinabibilangan. Nasa interes at responsabilidad nila, bilang pagtugon sa panlipunang katarungan, ang magsalita at makialam sa mga pangyayaring nakakaapekto sa kanilang sarili at kapuwa. Kapag nagsalita ang isang pastor, Imam, o pari tungkol sa isang politikal na usapin, hangga’t hindi niya ipinapataw ang kaniyang relihiyosong paniniwala sa may ibang pananampaltaya at nananatiling nakatuon sa magalang at maayos na pagsugpo ng suliraning panlipunan, siya ay may karapatang magpahayag sapagkat parehong tungkulin at karapatan niya ito bilang aktibong bahagi sa buhay-lipunan at pamamahala (Gaudium et Spes 73). Ang pagpigil sa isang mámamayán na makapagpahayag ng kaniyang saloobin tungkol sa mga nangyayari sa lipunan dahil lamang siya ay kabilang sa isang relihiyosong paniniwala ay isang paglabag sa kaniyang karapatan bilang mámamayán. Sa katunayan, higit sa pagiging mámamayán, kinakailangan din talagang magsalita ang Simbahan at mga kasapi nito. Ito ay dahil “mula sa mga indibidwal na mámamayán hanggang sa iba’t ibang pangkat… Lahat tayo, ang bawat isa, ang pakay ng buhay-politiko at tayo rin ang mga namumunong kalahok nito” (Yugto at mga Dekreto ng Ikalawang Konsilyong Plenaryo ng Pilipinas, PCP II 353). Hindi maiaalis o maihihiwalay ng isang mananampalataya ang kaniyang buhay sa loob ng buhay-politika na umiiral para sa kabutihan niya at ng kaniyang komunidad, at binubuo at ipinagpapatuloy mismo nila.
Ikalawa, ang pakikisangkot ng Simbahan sa mga usaping panlipunan ay pundasyon ng kaniyang pag-iral at pagkakakilanlan. Isang makulit ngunit makatotohanang paliwanag ang narinig ko mula sa isang kasamahan ko na nagtuturo ng Teolohiya kung bakit kailangang makialam ng Simbahan kahit sa mga panlipunan o politikal na usapan. Dahil daw mismong ang Panginoon, ulo at tagapagtatag ng Simbahan, ay pakialamero. Oo, sinabi niya na si Hesus mismo ay pakialamero. Sa tingin ko, ang ibig niyang sabihin ay bahagi na ng buhay ni Hesus ang makialam dahil ito ang pinakadahilan ng kaniyang misyon, ang pakikisangkot at pakikiisa sa buhay ng tao upang mapalaya sila. Ang pakikialam na ginagawa ng Diyos ay hindi para hadlangan ang karapatan ng tao sa paggamit ng kanilang kalayaan kundi para mas lalong palayain sila sa anumang hahadlang at makasisira sa paglago ng kanilang buhay at kalayaan (tiganan ang Lukas 4:18). Bilang tagasunod ni Kristo, kinikilala ng Simbahan na bahagi rin ng kaniyang pag-iral at tungkulin ang gawain ng pakikisangkot lalo na kung ito ay may kinalaman sa pangkabuoang kaligtasan ng tao. Binigyang-diin ito ng Simbahan nang sinabi niya na, “Ang pagkilos para sa katarungan at pakikibahagi sa pagbabago ng mundo ay maliwanag para sa amin na kabuoang bahagi ng pagpapahayag ng Ebanghelyo, o, sa ibang salita, sa misyon ng Simbahan para sa kaligtasan ng sangkatauhan at sa paglaya nito sa anumnag mapang-aping kalagayan” (Justicia in Mundo 6). Tungkulin ng Simbahan ang makialam o makisangkot sa anumang bagay na may kinalaman sa kaligtasan at paglaya ng tao. Ang pagtalikod sa tungkuling ito ay isang pagtanggi hindi lamang sa Panginoong kaniyang sinusundan kundi sa mismong katotohanan ng kaniyang pag-iral bilang tagapagpahayag ng Mabuting Balita ng Diyos. Sabi nga ni Elizabeth Johnson, “Kung minamahal ng Tagapagligtas ang sangkatauhan at…, inangkin ang sangkatauhan sa kaniyang sarili upang maging tunay na kaisa ng bawat tao, na ang kinahantungan ay ang pag-aangat sa dangal ng tao sa halagang di mapantayan…, nararapat ding gawing pangunahing alalahanin ng Simbahan ang pagtataguyod sa dignidad ng tao.” (malayang salin). Ang pagtataguyod ng dignidad ng tao ay di matutupad sa pananatili lamang ng Simbahan sa loob ng mga gusaling dalanginan. Kailangan ng Simbahan na makisangkot sa mga pangyayari at usapin sa pamahalaan, lansangan, mga tahanan, o kahit sa mga pamilihan na ang mga aktuwal na kalagayan ng katiwalian ay nagaganap at natatagpuan. Kaya nga’t ganoon na lamang ang panghihikayat ng Katolikong Simbahan ng Pilipinas sa mga layko na aktibong makilahok at manguna sa pagpapanibago sa politika nang naaayon sa mga pagpapahalaga ng Mabuting Balita (PCP II 350) sapagkat sa pamamagitan nila tuwirang nakikisangkot ang Simbahan sa lipunan at poltika (PCP II 348).
Ikatlo, kailangan ng Simbahan na sagutin ang mga katanungan tungkol sa kasamaan, kahirapan, at kaligtasan ng tao. Hindi maiaalis na ang tao ay magtatanong tungkol sa dahilan bakit may masamâ, bakit may kamatayan, kawalang-katarungan, at kahirapan sa mundo. Hindi maiaalis na itanong ng tao kung ano ang kinalaman ng Diyos sa mga ito, kung nasaan ang Diyos, at kung ano ang ginagawa Niya. Minsan, may nagtanong sa akin kung bakit hinayaan ng Diyos malunod ang mga kapamilya nila sa isang malaking baha na idinulot noon ng isang bagyo sa amin. Sinabi ko sa táong ito na hindi ito ang kalooban ng Diyos. Nangyari ito dahil hindi kaagad ipinagawa ng lokal na pamahalaan ng bayan nila ang kanilang dike bagaman mayroon nang pondo at lubhang mahina at luma na ang dikeng bumigay. May mga nagalit sa akin noong panahong iyon dahil isinasáma ko raw ang pamomolitika sa pagsagot sa isang relihiyosong tanong. Ngunit, sa pagsagot sa mga tanong na tulad ng aking nabanggit, hindi maaaring sabihin ng Simbahan na misteryo lamang ang lahat, at magdasal at magtiwala na lamang sa pagmamahal ng Diyos. Kinakailangan ng Simbahan na ipaliwanag ang mga ugat at epekto ng hindi magagandang karanasan ng tao sa mundo. Sa pagpapaliwanag sa mga ito, hindi maaari na di mapag-usapan ang katiwalian, korapsiyon, pang-aabuso sa kalayaan, kawalang-katarungan, karahasan, at iba pang materyal o pisikal na konteksto ng kasalanan. Ang lahat ng mga makasalanag konteksto na ito ay hindi makikita o maipapaliwanag sa mundo ng panalangin o doktrina lamang. Ang mga makasalanang konteksto na ito ay kailangang unawain, ipaliwanag, at tugunin ng Simbahan gamit ang pang araw-araw na karanasan ng tao sa kaniyang politiko-ekonomikal, historikal, at kultural na kalagayan.
Sa huli, gusto kong tugunin ang sinasabi ng iba na ang Simbahan ay dapat nakatuon lamang sa iisang tungkulin: ang tumulong sa pagliligtas ng kaluluwa. Bagaman pinanghahawakan pa rin ng Simbahan ang tungkuling ito hanggang ngayon, kailangang maintindihan na ang kaluluwa ng tao ay palaging kaisa ng kaniyang katawan. Ang kaligtasan ng kaluluwa ay palaging konektado sa kaligtasan at kaginhawahan ng katawan. Upang mangyari ang kaligtasang pangkaluluwa, kailangan tumulong at magsalita ang Simbahan tungkol sa kaligtasang pangkatawan. Sa gawaing ito, ang pakikisangkot sa mga isyung panlipunan na may direktang epekto sa buhay at katawan ng tao ay isang pagpili na hindi maaaring kalimutan o talikdan ng mga naniniwala kay Kristo.
Ang mga bagay na aking nabanggit ay ilan lamang sa iba pang mahalagang dahilan kung bakit hindi maaaring manahimik na lamang ang Simbahan sa mga nangyayari ngayon sa lipunan. Siguro, ang maaari pa nating pag-isipan ay kung paano rin dapat makinig ang Simbahan sa sinasabi ng lipunan, at mula rito ay ang paghulma ng mga tugon na tunay na magpapalaya at magpapaginhawa sa buhay ng tao at ng mundong ito.
Tinig is a monthly opinion and analysis series from the School of Humanities. The views expressed in this piece are those of the author and do not necessarily represent the views of School of Humanities or the Ateneo de Manila University.