45th University Service Awards: Celebrating Milestones in Service (Part 3)
15 Mar 2023
On 23 March 2023, the university will hold the 45th University Service Awards at the Ateneo High School Covered Courts, honoring 471 employees.
In a 4-part feature, we asked some of this year’s awardees to answer three questions:
What made you stay in Ateneo?
What are you most thankful for as an employee at the University?
How would you describe the Ateneo work environment to a new employee?
Part 3 features Lilibeth R. Castillo (University Archives) and Perfecto R. Guerrero III (Ateneo Junior High School).
Lilibeth R. Castillo
University Archives
Years in service: 30
Bakit nga ba ako nagtagal sa Ateneo? Unang-una inspirado at masaya akong magtrabaho dahil sa mababait kong kasamahan, suportado at napapagaan ang anumang gawain sa opisina. Pangalawa, ang magandang benepisyo at insentibo na natatanggap ko sa Ateneo, kasama sa benepisyo ang makapag-aral ang aking mga anak sa isang prestiyosong unibersidad. Nagagampanan ko ng balanse ang aking trabaho at personal na buhay ng walang inaapakang tao. Natuto ako sa paglago ng aking career sa pamamagitan ng training upang mapaunlad pa ang hinaharap. Masarap magtrabaho sa loob ng Ateneo, dahil napakalinis ng kapaligiran, may mababait at matulungin na nakakasalamuha sa araw-araw pero di mo rin maiiwasan ang araw na hindi maganda subalit mas lamang ang araw na masaya at nakaka-enganyong pumasok.
Nagpapasalamat ako sa paggabay sa akin ng mga taga-Personnel upang matapos ang panayam sa akin ng maayos at may konting kaba. Nagpapasalamat ako sa una kong naging boss at naging daan upang makapagsimula sa trabahong aking minahal sa loob ng tatlumpung taon. Pinasasalamatan ko rin ang mga kaibigan at mga naging kasamahan sa trabaho na sumuporta na dahilan kung bakit gusto mong gumising ng maaga at masayang pumasok sa trabaho.
Sa mga baguhang kapapasok lang ang pagpasok sa trabaho araw-araw nang maaga ay hindi lamang isang challenge para maging isang ulirang empleyado. Pagpapakita rin ito ng disiplina, kasipagan, respeto at interes sa trabaho. Dito sa Ateneo ako nagsimulang magtrabaho at dito na rin ako magreretiro kalakip ang buong pusong pasasalamat sa lahat ng nakasama at nakasalamuha ko.
Amare Et Servire!
Perfecto R. Guerrero III
Ateneo Junior High School
Years in service: 20
Sa loob ng 20 taon, nanatili at naglagi ako sa Ateneo (Junior) High School dahil ito ang nagturo sa akin na tanggapin ang hamon, sunggaban ang pagkakataon, at magtiwala sa Panginoon.
Sa bawat hamong aking tinanggap, palagi kong nadarama na ako ay tumubo at lumago. Pagtuturo man ang aking propesyon, naging pagkakataon ang lahat para sa aking personal at propesyunal na pagkatuto. Tinuruan ako ng Ateneo na patuloy na magtiwala sa Panginoon, sa pamamagitan ng pagtitiwala sa aking sarili, pagtitiwala sa aking mga mag-aaral at pagtitiwala sa mismong paaralan na aking pinaglilingkuran.
Ang aking ugnayan sa Ateneo ay isang away-bating relasyon. Maraming tagumpay, maraming kabiguan. Maraming kaligayahan at maraming kalungkutan. Maraming pagtaas at maraming pagbaba. May mga desisyon at paninidigan man ang Ateneo na hindi ko naintindihan, nakakahigit ang dami ng aking mga karanasan at kadakilaang idinulot sa akin ng Ateneo - na lubos kong pinahahalagahan at pinasasalamatan.
Hindi man ako kabilang sa mga itinuturing na "true-blue Atenean," matindi ang aking pakiramdam na minahal at pinagkatiwalaan ako ng Ateneo, mula noon hanggang ngayon - at ito ang lubos kong ipinagpapasalamat. Bukod sa ito ang pinagkukuhaan ko ng aking ikinabubuhay, ang pagkakataong makahubog ng libu-libong mga Atenista ay isang malaking karangalan. Sa bawat pag-alalay, paggabay at pag-agapay ko sa lahat ng aking mga mag-aaral at maging ng aking mga kasamahan at kaguro, alam kong nariyan palagi ang Ateneo para umalalay, gumabay at umagapay sa akin. Isang dalawampung taong pasasalamat, mahal kong Ateneo.
Sa aking bagong kaguro at kapwa-tagahubog, napakapalad mo at makasasama ka sa isang misyon na kung tawagin ay Ateneo. Bukod sa unti-unti mong makakamit ang iyong mga pangarap, magiging instrumento ka rin sa pag-abot ng pangarap ng bawat mag-aaral na daraan sa iyong pagpapala - at hindi mo namamalayan, nakahubog ka na ng mga Atenistang mahusay, may malinis na budhi, may malasakit, may pagtataya at maka-Diyos.
Tara na sa paghubog ng mga Atenista-para-sa-at-kasama-ang-kapwa!
This interview has been edited for length and clarity.