Sandali bilang Kontra-Naratibo: Pagbakas sa Kasaysayan ng Dagling Andergrawnd sa Panahon ng Diktadurang Marcos
12 Nov 2025 | Batay sa panayam ni Jomar Gonzales Adaya sa Kritika Kultura Lecture Series, 15 Setyembre 2025
Idinaos noong ika-15 ng Setyembre 2025 ang panayam ni Jomar Gonzales Adaya ng Polytechnic University of the Philippines na pinamagatang “Sandali bilang Kontra-Naratibo: Pagbakas sa Kasaysayan ng Dagling Andergrawnd sa Panahon ng Diktadurang Marcos” na inorganisa ng Kritika Kultura, katuwang ang Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) at Baybayin Ateneo. Nagbigay-diin ang panayam sa halaga ng dagli bilang isang natatanging anyo ng panitikang Filipino. Bagaman madalas na inihahambing sa mga Kanluraning konsepto ng flash fiction o sudden fiction, iginiit ng panayam na ang dagli ay may sariling tradisyon at kasaysayan na nakaugat sa lipunan at politika ng bansa. Higit pa rito, ipinakita ni Adaya na sa panahon ng diktadurang Marcos, ang dagli ay hindi lamang pampanitikang eksperimento kundi isang makapangyarihang sandata ng panitikang andergrawnd.
Unang lumitaw ang dagli sa mga peryodiko noong unang bahagi ng ika-20 siglo, sa panahon ng pananakop ng mga Americano. Madalas itong magsilbing filler o mga kuwentong mabilis basahin, tuwiran, at kongkreto. Ngunit kung titingnan sa mas malalim na lente, makikitang hindi lamang paningit ang dagli kundi isang sandali: isang maikling anyo na may kakayahang maghatid ng kagyat na naratibo at magbigay-boses sa mga kondisyon ng lipunan. Sa pagbabalik ng dagli noong dekada '60 at lalo na noong dekada 1970, malinaw na nagbago at lumalim ang anyo nito. Hindi na lamang ito pampalipas-oras, kundi isang makapangyarihang porma ng kontra-naratibo na ginamit ng kilusang pambansa demokratiko.
Sa pagpataw ng Batas Militar noong 1972, mahigpit na isinailalim sa sensura at kontrol ang lahat ng anyo ng komunikasyon. Kinailangang sumunod ang mga pahayagan, radyo, at telebisyon sa naratibo ng Bagong Lipunan, isang imahen ng kaayusan, disiplina, at "rebolusyong mula sa itaas." Bilang tugon, lumitaw ang dagli bilang panitikang andergrawnd na nagsilbing alternatibong espasyo ng katotohanan at paglaban. Sa mga lihim na publikasyong gaya ng Ang Masa, Ang Paksa, Makibaka!, Ulos, Kamao, at Ugnayan, lumaganap ang dagli bilang kabaligtaran ng opisyal na naratibo ni Marcos. Bagaman hindi kaagad tinawag na "dagli," malinaw ang paggamit nito ng maikli, direkta, at matalim na sulatin upang maghatid ng agarang panawagan. Sa ganitong porma, naipakita ang neokolonyal na kalagayan ng bansa, pasismo ng estado, at pagdurusa ng uring anakpawis. Sa pamamagitan ng tuligsa, satira, at mga alegorya, binuhay muli ng mga dagli ang mga tradisyonal na kuwentong-bayan tulad ng "Ang Matsing at Ang Pagong" upang ilantad ang mapagsamantalang relasyon sa lipunan at isulong ang mensaheng rebolusyonaryo.
Kaugnay nito, binigyang-pansin ni Adaya ang papel ng mga organisasyong pampanitikan gaya ng Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA), Nagkakaisang Progresibong Artista at Awtor (NPAA), at Konsentradong Rebolusyonaryong Sining (KONTRES) sa pagpapaigting ng panitikang nakaugat sa masa. Sa ilalim ng prinsipyong "mula sa masa, tungo sa masa," ginamit ang dagli bilang praktikal na kasangkapan upang mabilis na maiparating ang panawagan at karanasan ng mamamayan. Dahil sa iksi ng anyo nito, madaling ipamahagi at unawain kaya naging epektibong bahagi ng kilusang pambansa demokratiko.
Ayon kay Adaya, maaaring unawain ang dagli bilang sandali ng pag-antala, hango sa konsepto ni Walter Benjamin. Sa pananaw na ito, ang kasaysayan ay hindi tuwid na linya kundi binubuo ng mga hinto, puwang, at pagsabog na kumokontra sa dominanteng naratibo. Kaugnay nito, nagsisilbing monad ang dagli na humahadlang sa daloy ng opisyal na kasaysayan at nagbubukas ng alternatibong pananaw. Sa panahon ng diktadura, higit pa ito sa simpleng anyo ng panitikan. Ang mismong pagsulat at pagbasa ng dagli ay naging aktong pampolitika at malikhaing paraan ng pagbabalikwas laban sa pasismo at panunupil.
Pagkatapos ng kaniyang panayam, nagbigay ng kanilang tugon sina Prof Sarah Jane Raymundo ng Center of International Studies-UP Diliman at Dr Christoffer Mitch Cerda ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP). Sa bahagi ng kanilang komentaryo, binigyang-diin ni Prof Raymundo na hindi lamang isang porma ng panitikan ang dagli kundi isang anyo ng pakikibaka na nakaugat sa mas malawak na kasaysayan ng digmaan at rebolusyon. Aniya, makikita rito ang tinatawag niyang historical sense ng dagli, na may ugnayan sa protracted war, sa tradisyon ng cultural revolution, at maging sa mga tinig ng mga inaapi. Sa ganitong pagbasa, inihahanay niya ang dagli bilang bahagi ng isang "counter-memory," na ayon kay Benjamin ay nagmumula sa karanasan ng mga pinagsasamantalahan. Dahil dito, hindi lamang estetiko ang halaga ng dagli kundi isang konkretong sandata sa pagsusuri ng lipunan at pagbibigay tinig sa mga nasa laylayan.
Samantala, binigyang-pansin naman ni Dr Cerda ang kaugnayan ng dagli sa kontemporaneong panahon. Para sa kaniya, mahalaga ang pag-unawa sa dagli hindi lamang bilang anyong pampanitikan kundi bilang diskursong aktibo sa social media at digital na espasyo. Inilapit niya ang usapin sa mga realidad ng echo chambers, disimpormasyon, at trolls na nagsisikap kontrolin ang naratibo. Ipinakita niya na ang dagli, bilang maikli ngunit matalim na anyo, ay may kakayahang pumasok at makipagtunggali sa mga espasyong ito. Gayunman, binigyang-diin din niya ang panganib ng pagkakahon ng mga naratibo at ang pangangailangang mas maging mapanuri at kritikal ang mga manunulat at mambabasa. Sa pagbasa ni Dr Cerda, may potensyal ang dagli na maging kasangkapan ng paglaban at pagpapalawak ng demokratikong diskurso sa gitna ng teknolohikal at pampolitikang hamon ng kasalukuyan.
Sa malayang talakayan naman, naging makabuluhan ang tanong ni Drinian Ordanel mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) hinggil sa kung paano mahihikayat ang mga mamamayan na nagsisilbing saksi at tagapagdanas ng pang-aapi ngunit natatakot magsalita o manindigan. Nagbukas ang tanong na ito ng diskurso hinggil sa papel ng panitikan at malikhaing pagsulat sa pagbibigay-boses sa mga inaapi. Bilang tugon, inilahad ng mga panelista na ang panitikan, kabilang na ang dagli, ay hindi lamang espasyong pampersonal kundi kolektibong larangan ng pakikibaka. Binanggit nila ang kahalagahan ng organisadong kilusan at sama-samang pagkilos upang maipahayag ang tinig ng bayan, lalo na sa panahon ng represyon. Idinagdag din nila na maaaring magsilbing ligtas at epektibong paraan ang malikhaing anyo ng panitikan upang maipahayag ang saloobin; isang puwang kung saan ang takot ay napapalitan ng lakas at pagkakaisa. Sa ganitong pananaw, higit na napatibay ang dagli bilang kasangkapan hindi lamang sa larangan ng panitikan kundi sa kolektibong kamalayan at pakikibaka ng sambayanan.
Sa kabuoan, ipinakita ng panayam ni Jomar Adaya na higit pa sa estaylistikong eksperimento ang dagli. Isa itong bahagi ng kasaysayan ng panitikang Filipino na nakaugat sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan. Sa ilalim ng diktadurang Marcos, nagsilbi itong mabisang kontra-naratibo na nagbigay tinig sa mga inaapi at naglatag ng alternatibong pananaw sa lipunan. Sa pagbabalik-tanaw sa mga dagling ito, lumilitaw ang aral na ang panitikan ay hindi lamang salamin ng lipunan kundi aktibong kasangkapan sa paghahangad ng pagbabago. Samakatuwid, panitikan ng paglaban ang dagli, isang patunay sa kapangyarihan ng salita na huminto, umantala, at tuluyang magbukas ng bagong landas tungo sa kalayaan.