[Hot Off the Press] Ang Babaing Iyon: Nobela
10 Dec 2025 | Ateneo University Press
Ang Babaing Iyon, isang bagong nobela tungkol sa kababaihan sa pagkukrus ng propesyonal at personal
Kaba ng dibdib ang naramdaman ni Marisse nang dumalaw sa burol ng kanyang namayapang asawa ang isang babaeng sa pakiramdam niya’y kakaiba ang nakabalot na lungkot sa kanyang presensya. Sino ang babaeng iyon? Anong kaugnayan niya at gaano siya kahalaga sa buhay ni Fidel? Saan tutungo ang paghahanap niya ng katotohanan?
Ang bagong nobela ni Efren R. Abueg, batikang manunulat sa Filipino, ay isang pag-uusisa sa nagbabago, nagsasalikop, at minsa'y nagtutunggaliang papel ng kababaihan sa modernong panahon. Sa pamamagitan ng kuwento ng dalawang babae—sina Marisse at Monette—tinutuklas ang mga di-naisasantabing alinlangan sa lugar ng kababaihan sa mga larang na propesyonal at personal. Higit sa pagiging kuwento ng pagdududa at hinalang kataksilan, ang Ang Babaing Iyon ay pagharap sa mga kumbenisyon at kontradiksiyon na patuloy na bumabagabag sa kababaihan sa kanilang paggalaw sa lipunan.
Tungkol sa May-Akda
Si Efren Abueg ay isang manunulat sa wikang Filipino na nagwagi ng unang gantimpala sa Palanca Memorial Awards (1967) at ikatlong gantimpala sa Philippine Free Press (1969) para sa maikling kuwento, at ilang gantimpala sa timpalak ng Liwayway (1964, 1965, at 1967) para sa nobela. Pinarangalan din siya ng mga lungsod ng Quezon (Gantimpalang Quezon sa Panitikan), at Maynila (Gawad Kalinangan ng Lahi), at lalawigan ng Cavite (Emilio Aguinaldo Outstanding Awards), pati ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pamamagitan ng Sagisag Quezon (2010) at Dangal ng Panitikan (2022).

Ang Babaeng Iyon: Nobela ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press sa ilalim ng Bughaw na imprint nito. Mabibili ito sa halagang PHP 400 at mahahanap ito sa Ateneo University Press Bookshop sa Bellarmine Hall, at sa aming opisyal na website, Shopee at Lazada stores.