Kampo Kapatiran: Muling Isinagawa
09 Dec 2022 | G. Manuel Joseph C. delos Reyes
Matapos ang dalawang taong pagkaantala ng pagsasagawa ng taunang overnight camp ng mga kasapi ng AGS Boy Scouting Movement, muling isinagawa ang Kampo Kapatiran sa Mababang Paaralan ng Pamantasang Ateneo De Manila noong ika-2 at 3 ng Disyembre sa temang “Anuman ay Makakaya Kapag Lahat ay Sama-sama.”
Pinangunahan ni G. Jervy M. Robles, AGS Headmaster/Institutional Scouting Head, ang pagbubukas ng Kampo Kapatiran 2022 na dinaluhan ng 55 batang iskawt mula Baitang 4 hanggang 6 na pinangkat sa anim na patrol- Patrol ng Maya, Kuwago, Kalabaw, Kabayo, Usa at Tamaraw. Dinaluhan din ito ng pitong Eagle Scout mula sa Metro Manila East Council upang pangunahan ang ilang gawain.



Sa unang gabi pa lamang ay sinubok na ang galing, pagkakaisa, at pagiging malikhain ng mga iskawt. Sa pagsisimula ng campfire na ginanap sa Pacquing Hall Open Courts, nagtagisan ng galing ang mga iskawt sa pagsigaw ng kani-kanilang cheer at pagpapalabas ng kani-kanilang binuong skit. Hindi naman nagpahuli ang mga Eagle Scout kaya nagpakita rin sila ng kanilang galing sa pagtatanghal na ikinatuwa naman ng mga batang iskawt.
Kinabukasan, maagang nagising at naghanda ang mga iskawt. Isinagawa ang iba’t ibang laro tulad ng Egg Game at Tower Stuck na ginawa sa David Hall Open Courts. Isinagawa naman ang iba’t ibang water relay games sa AGS swimming pool. Itinuro rin sa mga iskawt ang iba’t ibang base methods tulad ng Uranium Transfer, Sensory Game, Island Hopping at marami pang iba. Ang lahat ng mga naging gawain sa kampo ay naglalayong hubugin ang mga mag-aaral ayon sa mga katangian ng isang iskawt- mapagkakatiwalaan, tapat, matulungin, palakaibigan, matapang, makakalikasan, disiplinado, may sariling paninindigan, masinop, at malinis sa isip, sa salita, at sa gawa.



Nagtapos ang gawain sa pamamagitan ng isang seremonya. Pinangunahan ni Sctr. Mark Anthony C. Catarroja, AGS Boy Scout Commissioner, at Gng Virgie G. Esteves, Assistant Headmaster for Formation/ Institutional Scouting Board Member, ang paggawad ng iba’t ibang parangal sa mga patrol at sa mga batang iskawt na nagpakita ng kani-kanilang kagalingan. Isinagawa rin ang tradisyunal na pagsasara ng kampo sa pamamagitan ng pagtipon sa lahat ng patrol flags at paglibot dito ng mga iskawt kasama ang kanilang mga scoutmaster na magkakahawak ang mga kamay. Sama-sama at sabay-sabay nilang inawit ang scouting farewell song. Ito ang naging hudyat ng opisyal na pagtatapos ng kampo


