[AGS] Kapistahan ng Banal na Sanggol o Sto Niño
08 Jan 2024
Tuwing ikatlong Linggo ng Enero, pinagdiriwang ng Pilipinas ang Kapistahan ng Banal na Sanggol o mas kilala bilang Santo Niño. Ito ay natatanging kapistahan para sa ating bansa. Ang Santo Niño ay ang Panginoong Hesukristo na isinilang ng Mahal na Birheng Maria - Diyos na nagkatawang-tao, nakipamuhay sa atin, at nakisama sa atin bilang isa sa atin. Ipinagdiriwang natin ito dahil limandaang taon na ang nakararaan, dinala ng mga Espanyol ang imahen ng Santo Niño dito sa ating kapuluan. Maituturing itong isang punla ng pananampalataya kay Hesus dito sa ating bansa na itinanim ng mga unang misyonero sa Pilipinas. Ang Santo Niño ay minahal ng mga Pilipino dahil tanda ito na mahal na mahal tayo ng Diyos. Ang Diyos natin ay hindi naging iba sa atin. Gaya natin, naging tao siya at naging bata din. Ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito sa AGS dahil kapistahan ito ng mga bata. Ipagdasal natin ang lahat ng bata lalo na ang mga batang kapos sa buhay at nasa bingit ng karahasan. Ipagdasal din natin na sa harap ng Diyos, lahat tayo, kahit anumang edad, ay maging tulad ng mga bata - mga batang kumikilala sa Diyos bilang Ama na nananalig at nagtitiwala sa kanyang kabutihan, paggabay, at pag-ibig. Maging tulad din tayo ng bata sa pagturing sa kapwa: walang panghuhusga, tinuturing na lahat ay kaibigan, hindi nang-aapi at hindi nanlalamang. Umunlad nawa ang ating karunungan at lalo nawa tayong kinalugdan ng Diyos at ng ating kapwa.
Isinulat at disenyo ni G Jeff Velasco