[AGS] Buwan ng Wikang Pambansa
03 Aug 2025
Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa
“Mahal ko ang Pilipinas.” Mariin nating binibigkas ang mga salitang ito tuwing umaga sa paaralan. Madamdaming sumusumpa ang bawat isa sa atin habang pormal na inihahayag ang Panatang Makabayan. Ngunit nakatutuwang isipin na may iba-ibang paraan ng paghayag ng kaisipang ito sa mga katutubong wika sa Pilipinas:
“Ay-ayaten ko ti Pilipinas!”
“Palangga ko ang Pilipinas!”
“Ganahan ko sa Pilipinas!”
“Kaluguran ke ing Pilipinas!”
“Yo ama con Filipinas!”
Ang pagsulong ng katutubong wika sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa ay repleksyon ng pagnais ng mga mamamayan ng bawat rehiyon na magkaroon ng pagkakakilanlan, na maipagmalaki ang kanilang lugar na pinanggalingan, na ipagtibay ang kanilang kultura at mga paniniwala.
Ngunit kahit iba-iba man ang paraan ng pagsabi o pagpapahayag, iisa lang ang mensaheng isinasaad ng mga Pilipinong bumibigkas nito – ang masidhing paggiliw sa lupang sinilangan. At ito ang layon ng wikang Filipino: na mabuklod ang sambayanang Pilipino sa isip at salita sapagkat iisa ang ating bayan, iisa ang dinanas nating kasaysayan, at iisa ang pinapangarap nating kalayaan at kapayapaan. Sikapin nating linangin at pagyamanin ang wikang Filipino sa araw-araw na paggamit nito dahil sa ganitong paraan maipagmamalaki natin sa buong mundo ang pagiging Pilipino. Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa!
Isinulat ni Gng Mary Jean B Lagliva
Disensyo ni Gng Mary Grace A Pates