[Ateneo Press Review Crew] Tela at Teritoryo: Paghubad sa Kapangyarihan ng Pananamit sa Pilipinas
28 Jul 2025 | Eric Jhon Bituin
Lumaki akong sanay na sabihan ng mga nakatatanda na “mag-ayos ka ng pananamit”—hindi raw puwedeng lumabas ng bahay nang gusgusin, kasi "baka mapagkamalan kang walang modo." Noon, akala ko'y simpleng paalala lang ito ng pagiging disente. Pero habang tumatanda, napagtanto kong may mas malalim pala itong pinaghuhugutan: ang pananamit ay hindi lang usapin ng estilo, kundi ng pagkakakilanlan, asal, at minsan, posisyon sa lipunan. Kaya’t nang mabasa ko ang Clothing the Colony ni Stephanie Coo, para akong sinabihan ng kasaysayan na: “Matagal na naming pinag-uusapan ‘yan.”
Mahalaga ang ambag ng aklat na ito sapagkat lumilihis ito sa dominanteng naratibo ng kolonyalismo bilang kwento ng mga opisyal at mga repormista. Sa halip, itinutok ni Coo ang lente sa mga katawan ng mga Pilipino—kung paano sila nagbihis, paano sila hinusgahan batay sa pananamit, at paano nila ginamit ang damit bilang midyum ng pag-ayon o pagtutol. Ang pananamit, ayon kay Coo, ay hindi lamang praktikal na pangangailangan kundi isang politikal na pahayag. Sa lipunang hinati ng lahi at uri, ang kasuotan ay nagiging tagapagdala ng mensahe hinggil sa posisyon ng isang tao sa lipunan.
Isa sa pinakamahalagang implikasyon ng Clothing the Colony ay ang paglalantad nito ng dinamika ng pagkakakilanlan sa kolonyal na Pilipinas. Ang mga “indio” ay may sariling istilo ng pananamit na unti-unting inimpluwensyahan ng mga Espanyol. Ngunit hindi ito simpleng pagtanggap ng kolonyal na kultura; bagkus, ipinapakita ng aklat na may aktibong pakikibaka sa pagbabagong ito. Halimbawa, ang pagtutol sa “Europeanization” ng pananamit ng mga Pilipino ay isang anyo ng tahimik ngunit matatag na resistensiya. Pinapakita rin ni Coo na sa kabila ng mga restriksyon sa pananamit na ipinatupad ng mga awtoridad—tulad ng mga ordenansa kung anong uri ng tela ang maaaring isuot ng isang “indio”—may mga pagkakataong nilalampasan o sinusuway ito ng taumbayan upang ipahayag ang kanilang sariling dangal at pagkatao. Ang kasuotan ay naging makinarya ng pananakop; at sa parehong paraan, naging daluyan din ito ng tahimik na pagsuway. Sapagkat sa mundong binabasa ka batay sa iyong bihis, ang pananamit ay politikal.
Bukod pa rito, binibigyang-diin ng aklat ang papel ng kasarian sa paghubog ng sartorial culture sa kolonya. Ipinakita ni Coo kung paanong ginamit ang pananamit upang ipataw ang inaasahang gampanin ng babae at lalaki sa lipunan. Sa mga ilustrasyon ng mga babae na nakabaro’t saya o mga lalaking naka-Amerikana, hindi lamang uso o praktikalidad ang tinutukoy—ito ay patunay ng pag-iral ng mga patriyarkal at kolonyal na pananaw sa kung ano ang "nararapat" isuot batay sa kasarian. Ngunit sa parehong paraan, ginamit din ng mga kababaihan ang kasuotan bilang pahayag ng kanilang awtonomiya. Ang pagbabagong anyo ng saya, ang paglago ng industriyang may kinalaman sa pananahi at pagbebenta ng tela, ay patunay na hindi pasibong nilalang ang mga babae kundi aktibong nakikilahok sa pagkatha ng sariling kasaysayan.
Napapanahon at mahalaga ang publikasyong ito, lalo’t patuloy ang pagtalakay sa identidad, representasyon, at kapangyarihan sa kasalukuyang lipunan. Sa pamamagitan ng pagsilip sa pananamit ng nakaraang dantaon, iniaalok ng Clothing the Colony ang isang mas malalim na pag-unawa sa kung paanong ang mga “seemingly banal” na bagay ay may kakayahang magsalaysay ng masalimuot na kasaysayan. Ang damit, na madalas ituring na di-mahalagang bahagi ng kasaysayan, ay lumilitaw na may sariling wika at kapangyarihang politikal. Ang ganitong pag-aaral ay nagpapalawak sa depinisyon ng kung ano ang "mahalaga" sa pagsusuri ng nakaraan.
Mahusay ang metodolohiyang ginamit ni Coo. Gumamit siya ng malawak na primaryang sanggunian—mula sa archival documents, legal ordinances, travel writings, hanggang sa mga larawan at painting—upang buuin ang isang masalimuot ngunit makabuluhang naratibo. May kalakip na talas ng pagsusuri ang bawat kabanata, ngunit hindi nawawala ang malinaw na layunin: ilahad kung paano ang pananamit ay naging lugar ng negosasyon, pagbabalatkayo, at pag-angkin ng kapangyarihan.
Bagaman ang teksto ay mas nakatuon sa panahon ng Espanyol, nagsisilbi itong pundasyon para sa mas malawak pang pag-aaral sa pananamit sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas—sa ilalim ng Amerikano, panahon ng Hapon, hanggang sa kontemporaryong panahon. Puwede itong magsilbing inspirasyon para sa mga mananaliksik na nais magsiyasat sa kasaysayan gamit ang lente ng “material culture,” isang disiplina na unti-unting lumalakas sa larangan ng kasaysayan sa Pilipinas.
Sa kabuuan, Clothing the Colony ay hindi lamang isang aklat tungkol sa tela at kasuotan; isa itong mapangahas na pagtatangka na ipakita kung paanong ang mga indibidwal sa isang kolonyal na lipunan ay nakikibaka, nakikilahok, at muling inaarte ang kanilang posisyon sa lipunan—hindi lamang sa pamamagitan ng armas o papel, kundi sa mismong paraan ng kanilang pananamit. Sa panahong tila mabilis nating nakakalimutan ang halaga ng kasaysayan, ang aklat ni Stephanie Coo ay paalala na nasa mga kasuotan rin ang ating kasaysayan, at nararapat itong bigyang-pansin, pag-aralan, at higit sa lahat, pahalagahan.
Bilhin ang libro: Website | Shopee and Lazada
Si Eric Jhon Bituin ay masugid na mambabasa ng panitikang Filipino. Siya rin ay mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat at mababasa ang kanyang mga malikhaing akda sa Likhaan Journal ng ICW at Agos Journal ng SWF. Mahilig siyang magbasa ng mga nobela at koleksyon ng maikling kuwento na tumatalakay sa pang-araw-araw na buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan. Miyembro rin siya ng Pinoy Reads Pinoy Books.