Lumapit at Kumapit Nang Mahigpit sa Panginoon
29 Jul 2025
Minamahal kong mga kapatid,
Sa Banal na Ebanghelyo, sinasabi sa atin ni Hesus na ang sinumang lumalapit sa Kanya, nagtitiwala sa Kanya, at sumusunod sa Kanyang kalooban ay kailanman ay hindi magugutom. Sa halip, sila ay patungo sa buhay na walang hanggan.
Napakahalaga ng paalalang ito, lalo na para sa atin dito sa Ateneo de Manila University Grade School. Ang ating paglalakbay ay hindi lamang nagsisimula at nagtatapos dito. Tayo ay bahagi ng mas malaking kwento—isang kwento ng pananampalataya, paglilingkod, at pag-asa. Sabi nga nila, "We stand on the shoulders of those who came before us." Maging ikaw man ay isang guro, isang Heswita, magulang, o estudyante, umaasa tayo sa mga nauna sa atin. At tulad ng isinulat ni Gat Jose Rizal:
“Con el recuerdo del pasado, entro en el porvenir (I enter the future with a memory of the past).”
Sa Ateneo, itinuturo sa atin ang pagtatagni-tagni ng tatlong pook ng karunungan: isip, puso, at gawa. Kaya itanong natin:
- Paano pinatalas ng Ateneo ang iyong isipan?
- Paano pinatibay at pinasigla ang iyong puso upang ito ay maging pusong may malasakit?
- Paano mo ibinabahagi ang iyong sarili sa gawa, hindi para sa sariling kapakinabangan, kundi bilang biyayang ipinagkakaloob ng Diyos sa iba, sa pamamagitan mo?
Ngayong taong ito, nais kong iwan sa inyo ang tatlong salitang maaaring maging pabaon sa ating patuloy na paglalakbay:
Lapit. Kapit. Higpit.
Sa bawat araw na ikaw ay humihinga, sa bawat hakbang sa iyong landas, huwag kang bibitiw sa Diyos. Lumapit ka sa Kanya. Kumapit ka sa Kanya. Kumapit ka nang mahigpit. Sa gitna ng tagumpay man o pagsubok, ipagkatiwala mo ang lahat sa Kanya.
Sabihin mo sa Kanya:
“Panginoon, ako po ay nagpapasalamat. Salamat sa kaloob Niyong isip, sa damdaming ipinadarama Niyo, at sa gawaing ipinagkakaloob Niyo sa akin. Nawa’y ang lahat ng ito ay maging sapat, at maging karapat-dapat sa Iyong kabutihan.”
At huwag nating kalilimutan: ang pagbibigay ng Diyos ay hindi kailanman natutumbasan. Higit ito sa ating hinihingi. Higit pa sa ating inaasahan. Kaya’t tayong mga nilalang, sa ating kabuuan—sa isip, sa puso, at sa gawa—ay patuloy na kumapit sa Kanya, nang buong lakas, pananampalataya, at pag-ibig.
Lapit. Kapit. Higpit.
Maraming salamat, at nawa'y patuloy tayong pagpalain sa ating paglalakbay.
Mensahe mula kay Padre Joaquin Jose Mari C Sumpaico III SJ (Vice President for Basic Education)
Disenyo ni Gng Ruby N. Punay