[AGS] Scouting Week
21 Sep 2025
Maglakbay kasama ang Panginoon, maging tanglaw at pag-asa sa isa't isa
Laging Handa–ang motto ng Scout. Ang mga salitang ito ay hindi lamang panata ng isang Scout kundi pamumuhay na nakaangkla sa pananampalataya sa Diyos, malasakit sa kapwa, pag-aalaga sa kalikasan, at pagmamahal sa bayan. Ito ay gabay hindi lamang sa Scouts kundi sa tungkulin ng bawat isa bilang kasapi ng pamayanan.
Ang ika-dalawampu't dalawa hanggang dalawampu't anim ng Setyembre ay itinakda bilang “Scouting Week”. Sa buong linggong ito, tayo nawa ay mapaalalahanan ng ating tungkulin, na ang bawat isa ay maging handa sa paglapit sa mga nangangailangan, sa pagbibigay ng pag-asa sa kapwa, at sa pagkilos para sa ikabubuti ng lahat. Tayo rin ay mas napapalapit sa Panginoon, sapagkat ang ating malasakit sa kahit anumang paraan ng paglilingkod ay larawan ng pagmamahal ng Panginoon. Ang mahigpit na kapit natin sa Panginoon ang nagbibigay-lakas upang makapagbigay din tayo ng pag-asa sa iba.
Akda ni Gng Ailyn P Odulio
Disensyo ni G Roy L Riofrio