[Ateneo Press Review Crew] Nilulusong ang Sariling Bangin: Ang Lalaki, ang Tula, at ang Pagwawasak ng Angas sa ANGAS? ni Paolo Tiausas
19 Nov 2025 | Andrea Genesis Sobremonte
Sa isang mahamog na Sabado ng umaga sa Baguio, halos magmakaawa ako sa aking mga tuhod na huwag nang manginig o tuluyang manigas habang naglalakad ako sa Session Road. Sa lamig na iyon, bitbit ko ang aking bag, baong meryenda, at kopya ko ng Angas? ni Paolo Tiausas, na binuklat ko habang hinihintay ang aking pang alas-nuwebeng klase. Habang dumaraan ang mga girl at boy scouts sa parada, napansin kong unti-unting lumilihis ang tingin ko mula sa kanila, pabalik sa tasa ng kape at sa aklat na wari’y nag-aanyaya muli ng pansin. Sa loob ng tatlong oras na iyon—at sa manipis na aklat na, sa totoo lang, makapal kung isasaalang-alang ang bigat at ganda ng mga salita—natapos kong basahin ang buong koleksiyon bago ko ito mabilis na isiniksik sa bag, at tumakbo mula café papunta sa kampus ng UP.
Sa aking pagkaripas, tumatak sa akin ang pakikinig ni Tiausas sa loob ng lalaki. Kung sa karaniwan, ang lalake ay nagmimistulang simbolo ng lakas, sa pananaw ni Tiausas ay naging salaysay ng pagod, takot, at pagkukunwari. Hindi ito basta pagsisiwalat ng “toxic masculinity” bilang ideolohiya. Sa libro ni Tiausas, ang ANGAS ay isang pagtuklas ng mga bitak na hinabi mismo sa laman ng pagiging lalaki. Sa aking pagtuklas ng totoong kahulugan ng angas, natipuhan ko ang tatlong tulang “Resignation Letter,” “UWU,” at “Nagsisimula sa Kuwento.” Sa paghahabi ni Tiausas ng mga salita, dito ko nakita ang tatlong mukha ng paghuhubad ng pagkalalake: ang pagod, ang lambot, at ang pagbubunyag.
Ang “Resignation Letter” ay isang diyalogo ng sarili na nakikipagtalo kung mananatili pa o bibitaw na. Sa unang linya pa lamang, “Wala namang pumipilit sa iyo. / Hindi mo naman kailangang umalis,” maririnig ang tinig ng pagdadalawang-isip, parang bulong ng konsensya o lipunan na nag-uudyok magtiis. Ang mga imahen ng agila, sawa, ipis, at gagamba ay kumakatawan sa iba’t ibang anyo mga hayop na nananatiling buhay kahit sa maruming lugar, kahit sa gitna ng panganib. Sa pamamagitan ng mga ito, ipinapakita ng makata na ang tao, sa kabila ng pagod at pagkasuklam, ay patuloy pa ring lumalaban dahil iyon ang nakasanayan. Ngunit habang tumatagal, lumilitaw ang kabalintunaan: sa pagpupunyaging mabuhay, unti-unti ring nawawala ang kakayahang huminga. Sa dulo, ang tanong na “Sapat na kaya iyon para mabuhay ka?” ay nagiging salamin ng pagkabuhay na wala nang saysay, ngunit patuloy pa rin dahil “kaya pa.” Sa bandang huli, iniwan tayo ni Tiausas sa katahimikan ng tanong, hindi bilang tugon, kundi bilang paanyaya: ikaw, kailan mo pipiliing huminga para sa sarili?
Ang “UWU” ni Paolo Tiausas ay isang mapaglaro ngunit masinsing pagninilay sa wika ng lambing at pag-ibig sa panahong digital. Ang “uwu,” isang emoticon na madalas gamitin sa internet, ay ginawang anyo ng paglalambing kapag kulang ang mga salitang gaya ng “halika” o “mahal kita.” Sa mga taludtod tulad ng “may uwu sa paghingi ng tawad na alam na matatanggap,” ipinapakita ng makata kung paanong ang simpleng simbolo ay nagiging sandigan ng emosyon, paraan ng pagharap sa sakit, o pagtanggap sa pagod at poot. Ang “uwu” dito ay nagiging isang espasyo ng pag-ibig na hindi nangangailangan ng tapang o paliwanag. Sa dulo, ang persona ay nagpapahiwatig na sa likod ng mga cute na simbolo ay may banayad na himagsik: ang pagpayag maging totoo sa gitna ng pagkukunwari.
Ang “Nagsisimula sa Kuwento” ni Paolo Tiausas ay isang marahas ngunit mapanuring tula tungkol sa pagkatuto ng tapang bilang imitasyon. Sa paulit-ulit na “Kunwari: may angking tapang ang mga salita,” ipinapakita ng makata ang ilusyon ng lakas, na ang “tapang” ay hindi likas, kundi itinuturo, kinikintal, at ginagaya. Sa unang bahagi, ang batang “kinakasa ang bala sa pellet gun” ay larawan ng pagnanasang “maging tao.” Ito ay nagiging pantawag sa pagiging agresibo at mapanakit. Sa ikalawang bahagi, lumilipat ang karahasan mula sa pisikal tungo sa wika: ang mga salitang “kinakausap ang hangin,” ay nagiging sandata laban sa kahinaan, ngunit sa dulo, walang laman kundi hangin din. Sa ikatlong bahagi, sumisingaw na ang “katapangan” na may biglang tanong: kaya mo bang “kagatin ang dila hanggang sa kumawala ang dugo”? Sa huli, nagiging malinaw na ang tunay na tapang ay hindi pagbaril o pananakop, kundi ang pagharap sa sariling kahinaan, pagkautal, at katahimikan.
Ang mga tula ng ANGAS? ay umiikot sa pagpapakilala, pagkalusaw, at pagbawi sa sarili. Binabakas ni Tiausas ang karanasan ng lalaki bilang anak, kapatid, kasintahan, at bilang nilalang na napapagod sa pagsunod sa modelo ng “matapang.” Ang kaniyang mga imahe ay sumasalamin sa panahong digital, kung saan ang marahas at malambot ay magkapantay na anyo ng pagpapahayag.
Sa panahon ngayon ng politikal na ingay, misogyny, at social media performance ng tapang, napapanahon ang ANGAS? dahil pinapakita nito na ang pagkalalake ay isa ring konstruksyon ng takot. Sa bawat tula, naroroon ang tanong: paano ba mabubuhay nang may tapang ngunit walang dahas? Sa isang lipunang sanay na gawing biro ang trauma ng kalalakihan, ang aklat na ito ay isang paanyaya sa tahimik na pag-amin bilang anyo ng katotohanan.
Sa panahon ngayon ng politikal na ingay, misogyny, at social media performance ng tapang, napapanahon ang ANGAS? dahil pinapakita nito na ang pagkalalake ay isa ring konstruksyon ng takot. Sa bawat tula, naroroon ang tanong: paano ba mabubuhay nang may tapang ngunit walang dahas? Sa isang lipunang sanay na gawing biro ang trauma ng kalalakihan, ang aklat na ito ay isang paanyaya sa tahimik na pag-amin bilang anyo ng katotohanan.
Sa simula, inakala kong madali lang basahin ang koleksiyon dahil sa kapal nito ngunit habang lumalalim, naramdaman kong para itong manipis na salamin na paulit-ulit mong nililinis hanggang sa makita mo na ang sarili mong mukha roon. Irerekomenda ko ba ito sa iba? Oo naman. Lalo na sa mga kabataang lalaki na natutong manahimik dahil bawal umiyak, at sa mga kababaihang gustong maunawaan ang tahimik na sigaw ng mga ito. Irekomenda ko rin ito sa sinumang nagnanais makita kung paanong ang tula ay nagiging salamin ng kasaysayan ng katawan at lipunan.
Sa huli, ang panulaang Pilipino ay natatangi dahil palaging buhay ito sa pagitan ng damdamin at dangal. Ang mga salita ay laging may laman ng loob, at ang loob ay laging may kasaysayan. Sa pamamagitan ni Tiausas, nakikita natin ang diwa ng makatang Pilipino: handang magbaba ng sandata, handang makipagtitigan sa sariling sugat. Ang ganitong tapang, ang tapang umamin at umibig, ay siyang esensiya ng ating panitikan.
Pagkatapos kong basahin, nakaramdaman ako ng bigat na bigla na lamang gumagaan. Parang piniga ang dibdib at pinayagang muling huminga. Tulad ng mga tula, hinayaan ko din ang sarili kong alisin ang maskara at harapin sa sarili sa gitna ng usok ng umagang malamig.
Pwede kayong bumili ng inyong mga kopya sa website, Shopee at Lazada stores.

Andrea Genesis Sobremonte is an educator and an MA candidate in Language and Literature at the University of the Philippines Baguio. Fond of researching gender and feminist studies, Ilocano studies, and pop culture, she has also had her poem featured in ili Press. She is committed to both advocacy and analysis, and believes that literature behaves like a prism that refracts reality into different perspectives while ultimately promoting emancipatory narratives.