[Ateneo Press Review Crew] Ang Sining ng Paggunita sa Saglit: Mga Alaala’t Muni
03 Dec 2025 | Aldrake Gallaza
Taglay ng mga sanaysay sa Saglit: Mga Alaala’t Muni ni Rofel Brion ang kanyang banayad na pagninilay sa buhay—mga repleksyon hinggil sa pamilya, kaibigan, sa mga pakikitagpo at pagkawalay, at sa masasaya at malulungkot na gunita. Ipinakikita ng akda na mayroong espesyal sa at taglay na lalim ang mga karaniwang sandali sa ating araw-araw na buhay. Payak ngunit masining ang kanyang wika—at sa pamamagitan nito ay naipahahayag ni Brion ang kanyang karanasan nang may lalim at nakatatagos sa mambabasa. Hindi kinakailangang galugarin ang mga nakatagong kahulugan ng bawat kataga at linya o magsagawa ng isang masalimuot na pagteteorya upang maunawaan ang mga salita ng may-akda sapagkat may likas na itong bisa na tumimo sa ating kamalayan at damdamin.
Aaminin ko, nang simulan ko itong basahin, naitanong ko sa sarili ko: “ano nga bang pakialam ko sa mga personal niyang ganap—sa kanyang paglalagalag, pakikipagkita sa mga kaibigan, o pagkokomyut?” Ngunit habang patuloy ko pa itong binabasa, unti-unting akong nakaramdam ng pamilyaridad sa kanyang mga salaysay, hanggang sa tuluyan akong makaugnay sa kanyang mga karanasan—na para bang sarili kong karanasan ang kanyang sinasalaysay at aking tinutunghayan sa binabasa.
Sa pamamagitan ng kanyang mga salita, nagagawa niyang makunan ang mga mumunti at payak na mga sandali, nabibigyang-halaga ang mga ito, at naitatatak sa gunita. At ito, sa aking palagay, ang isa sa layon ng panitikan—ang itala ang araw-araw na buhay. Hindi na bago ang ganitong tema sa panitikang Pilipino. Kung babalikan ang ating mga katutubong panitikan, marami sa mga pasalitang tradisyon ng mga sinaunang Pilipino ay sumasalamin sa buhay sa kanilang pamayanan—tulad ng Kalusan ng mga Ivatan at Mambayu ng mga Kalinga na pumapatungkol sa paggawa, at ang Ambahan ng mga Mangyan na pumapaksa sa pag-ibig at pakikipagkapuwa. Mula sa mga panitikang ito, mababakas ang pagdakila ng mga tao sa pamayanan sa kanilang araw-araw na karanasan, at ang pasalitang tradisyon ang nagsisilbing tala ng buhay na ito tungo sa pagiging isang kolektibong alaala. Sa ganitong diwa, ipinagpapatuloy ni Brion ang tradisyon ng pagtatala at pagbibigay-tinig sa ordinaryong karanasan sa mukha ng kontemporaneong panahon. Sapagkat sa ating postmodernong karanasan kung saan ang bawat isa ay nagmamadali (o pinagmamadali), nakatuon sa kani-kanilang paroroonan (marahil sa trabaho, gimik, o pauwi ng tahanan), tila pinalilimot na sa atin ang maramdaman ang buhay—ang magbagal, huminto, lumingon, at iproseso ang anumang magagandang dumaraan sa atin. At ito ngayon ang maaari nating muling matutuhan sa koleksyong ito—na sa mga payak na detalye ng ating buhay maaaring matagpuan ang esensya nito.
Namamalas din sa mga salita ni Brion ang meditatibong katangian ng panulat. Ang mga personal na naratibong tulad nito ay tila mayroong terapeutikong afekto hindi lamang para sa mismong sumusulat kundi pati na rin sa bumabasa, na para bang hindi na lamang ito karanasan ng may-akda ngunit karanasan din ng bumabasa. Inilahad ni Brion ang mga karanasan at damdaming karaniwan para sa marami sa atin ngunit hindi natin nagawang maisatitik. Sa pamamagitan ng kanyang mga introspeksyon, inaanyayahan tayo nitong magmuni at pagnilayan ang ating mga karanasan at damdamin, ang lubos na kilalanin ang ating mga sarili, at unawain ang mundong ating kinabibilangan.
Halimbawa, sa mga sanaysay tulad ng Sa Tren, Mukha, at Biyahe, inilalarawan ni Brion ang kanyang mga pagbiyahe pauwi o tungo sa unibersidad, at kanyang mga paglalakad, bilang sandali ng pagmumuni. Sa mga sandaling ito, nagagawa niyang iugnay ang sarili sa mundo, suriin ang pag-iral ng mga tao sa kalunsuran, at pagnilayan ang sarili bilang bahagi ng mas malaking daloy ng buhay. At itong mga pagninilay na ito ang pinakatumagos sa akin—ang mga simpleng obserbasyon sa kumpol at daloy ng madla, at ang mga tahimik na pagnanasang kumonekta sa kapwa. Sentral din sa koleksyon ang kanyang paggunita sa kanyang relasyon sa pamilya at mga kaibigan. Mula sa mga sanaysay na pumapaksa rito, nagagawa nating maunawaan ang kanyang pinagmulan—ang mga indibidwal at karanasang humubog sa kanya bilang isang kaibigan, makata, gabay, at guro.
Ngunit pinakatumatak sa akin ang mga obserbasyon at pagmumuni ni Brion sa kanyang kagyat na nakaraan sa sanaysay na Bago—sa kung paanong isinisiwalat ng ating pagbabalik-tanaw ang mga nagdaang pagbabago hindi lamang sa isang pamilyar na espasyo, pati na rin sa ating kalooban. Ang ganitong mga solitaryong sandali, gaya ng inilalahad sa sanaysay, ay nagbibigay ng pagkakataong balikan ang ating mga gunita, at muling maramdaman ang mga ito. Hindi ba’t madalas din natin itong maranasan? Kung paanong sa pagbabalik sa isang pamilyar na espasyong naging karaniwan sa atin ay nakapagbabalik din ng ating mga alaala sa isang partikular na yugto ng ating buhay at ang paglitaw ng pagnanais na bumalik dito at muli itong danasin. Dito pumapasok ang isa pang epekto ng kanyang mga sanaysay sa akin—ang hindi mawari at balintunang pakiramdam ng ligaya at satisfaksyon sa melankolia at pangungulila.
At bagaman personal ang katangian ng mga sanaysay, hindi ito nahihiwalay sa mas malawak na realidad ng lipunan. Halimbawa, ang kanyang pagsaksi ng daan-daang mga nagbabaka-sakali at nakikipagsapalaran upang makakuha ng trabaho sa sanaysay na Baka Sakali at ang kuwento ng pakikipagsapalaran ng kanyang apo sa ibang bansa bilang TNT sa Bigo ay sumasalamin sa realidad ng migrasyong Pilipino—ang mga salaysay ng pakikipagsapalaran, pagkawalay, pangungulila, pag-asa, at iba pang realidad na kinahaharap ng maraming migranteng manggagawa. Sa ganitong paraan, nagiging tulay ang personal na karanasan ni Brion tungo sa kolektibong danas ng mga Pilipino, na patuloy na naghahanap ng koneksyon at tahanan, saanman sila naroroon. At dito makikita ang isa pang layon ng panitikan, fiksyon man o di-fiksyon: ang isiwalat ang katotohanan. Ang tanging tanong na lamang na hindi kayang sagutin ng ganitong romantisismo ay kung paano tatangkaing bumalikwas sa katotohanang ito.
Ano’t anupaman, bagaman madalas nating kaligtaan ang mga bagay o tagpong karaniwan na lamang sa atin, ipinaaalala ng akdang ito na sa gitna ng ating masalimuot at nakapapagod na mundo, maaari pa rin tayong makatagpo ng kagandahan at kasiyahan sa mga ordinaryong bagay—ang pagtunghay ng mga tanawin mula sa tren o bus, ang ligaya ng mga paminsan-minsang pag-iisa, ang pagmamasid sa agos ng mga tao, at maging ang pinakapayak na aspekto ng ating araw-araw na buhay. Sa kontemporaneong danas ng pagiging abala sa kanya-kanyang hustle at paghahanap ng aliw sa mga ispektakulo sa bagong midya, inaanyayahan tayo nitong sandaling tumigil upang namnamin ang maiilap na saglit ng buhay na kadalasang hinahayaan lamang nating lumipas. At sa gayon ay nararanasan muli nating maging tao sa isang dehumanizing na mundo.
Bilhin ang libro: Website | Lazada and Shopee
Aldrake Gallaza is a graduate of BA History from the Polytechnic University of the Philippines - Sta. Mesa. His academic interest delves into intellectual history, social movements, and popular culture.