[Ateneo Press Review Crew] Mga Tala Kung Paano Bumuo ng Pugad sa Pugad Para sa Aking Special Child, at iba pang pugad ni Fanny Garcia
10 Dec 2025 | Eric Jhon Bituin
I
Sa bawat tahanang Pilipino, may mga pugad na tahimik na itinayo ng mga ina na hindi lamang mula sa pawis at pagod, kundi mula sa walang kapalit na pagmamahal. Sa ganitong diwa itinahi ni Fanny A. Garcia ang kaniyang aklat na Pugad Para sa Aking Special Child, at Iba Pang Pugad, isang kasunod na salaysay sa Erick Slumbook: Paglalakbay Kasama ang Anak Kong Autistic (2004). Kung ang una niyang aklat ay isang paunang pagharap sa hiwaga ng pagkakaiba, ang pangalawa naman ay isang mapanuring pagninilay sa kung paano itinataguyod ng isang ina ang pugad ng anak na hindi kailanman lilipad sa paraang inaasahan ng lipunan.
Sa Pugad Para sa Aking Special Child, muling ginamit ni Garcia ang wika bilang sandata ng pag-ibig at pag-asa. Ikinuwento niya rito ang kaniyang patuloy na paglalakbay kasama ang anak na si Erick—isang nonverbal autistic adult—at ang kanilang pagsusumikap na maitayo ang “pugad” na magiging tahanan nito kapag siya, bilang ina, ay wala na. Sa simpleng anyo ng dokumentasyon, unti-unting naipinta ni Garcia ang mga realidad na karaniwang itinatabing sa gilid ng pambansang diskurso: ang takot ng mga magulang sa hinaharap ng kanilang mga anak na may kapansanan, ang kalbaryong pinansiyal ng caregiving, at ang tahimik ngunit matibay na pananalig na sa kabila ng lahat, may lugar pa rin para sa kabutihan.
II
Ang pugad ay hindi lamang pisikal na espasyo. Ito ay posturang etikal na isang paninindigan ng pag-aalaga sa gitna ng kawalang-katiyakan. Tulad ng ibong paulit-ulit na nagtitipon ng mga dayami sa ilalim ng unos, si Garcia ay naghahabi ng pugad hindi sa idealistang hangarin, kundi sa realismong may kasamang takot para sa kaniyang supling pero puno ng pag-asa.
Ang aklat ay isang patunay na ang pangangalaga ay hindi romantikong kabayanihan, kundi isang gawaing nakaugat sa realidad ng gastos at maging ng pagod sa pang-araw-araw. Binanggit ng awtor ang mga konkretong usapin gaya ng pagtaas ng presyo ng bilihin, kakulangan ng suportang institusyonal, at ang limitadong oportunidad para sa mga adult autistic sa Pilipinas. Sa ganitong konteksto, ang “pugad” ay nagiging simbolo ng paghahanap ng seguridad sa panahong ang ekonomiya ay pabagu-bago, at ang mga may kapansanan ay nananatiling nasa laylayan ng sistemang panlipunan.
Ngunit higit pa rito, ang pugad ay sumasagisag din ng pagnanais ng awtor na mag-iwan ng pamana ng pagmamalasakit. Sa kaniyang pangamba, “Sino ang kakalinga kay Erick kapag wala na ako?” ay nasisilip natin ang unibersal na takot ng lahat ng magulang, ngunit higit na masakit para sa mga tulad ni Garcia na alam ang bigat ng pagiging “iba” sa isang lipunang may makitid na unawa sa pagkakaiba.
III
Isa sa mga pinakamahalagang kontribusyon ng aklat sa lumalawak na disability literature sa Pilipinas ay ang tinig ni Garcia bilang saksi. Hindi siya simpleng tagapagsalaysay ng karanasan; siya ay tagapagdokumento ng isang uri ng buhay na madalas hindi nakikita. Sa kaniyang naratibo, hindi pinipilit na “ayusin” si Erick o gawing inspirasyon ang kaniyang anak, gaya ng madalas mangyari sa mga inspiration porn na istorya ng mga may kapansanan. Sa halip, ipinapakita niya ang buhay nila bilang mag-ina—may mga banal na sandali ng tawanan at mga gabi ng pag-aalala, mga tahimik na hapag na punô ng pag-unawa kahit walang salita.
Ang aklat ay lumilihis sa sentimentalismo at nagiging isang etnograpiya ng pagmamalasakit. Dito, ang katawan ni Erick ay hindi “problema” kundi isang espasyo ng pagkatuto kung saan natutuklasan ng ina ang kabuuan ng sarili bilang babaeng manunulat at tagapagtaguyod. Ang aklat ay nagiging “pugad” din ng kolektibong alaala sa isang lugar kung saan maaaring sumilong ang mga mambabasang nagnanais maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “pag-aalaga” sa isang lipunang madalas nakakalimot.
IV
Ang estilo ni Garcia ay nananatiling payak ngunit matalim. Wala sa kaniyang prosa ang pangingibabaw ng melodrama, ngunit bawat linya ay tumitimo dahil sa katapatan. Ang mga detalye ng araw-araw gaya ng ang paghuhugas ng plato, ang paghahanap ng budget, ang pag-aalaga kay Erick sa gitna ng init at ulan ay nagiging tula ng pag-iral. Sa kaniyang pagsulat, nagiging wika ang pag-aalaga, at nagiging karunungan ang tahimik na pagtitiis.
Ang pugad sa ganitong pagbasa ay isang pilosopikal na metapora ng pagkatao. Tulad ng isang pugad, ang tao ay nagtatayo ng sarili mula sa kung anong mayroon maging basura man o dayami, lungkot man o pag-asa.
V
Ang Pugad Para sa Aking Special Child ay hindi lamang personal na memoir. Isa itong manifesto, isang panawagan para sa lipunan na makiisa sa gawaing paglikha ng mga pugad para sa mga taong may kapansanan. Sa pagdinig natin sa tinig ni Garcia, nagiging malinaw na ang “pugad” ay dapat hindi lamang nasa loob ng bahay, kundi sa mga patakaran ng mga paaralan at/o institusyong magbibigay ng tunay na dignidad sa bawat buhay.
Ang pugad ay dapat maging simbolo ng kolektibong pag-aaruga na isang paniniwalang kahit iba ang paglipad ng ilan, karapat-dapat pa rin silang may sariling himpapawid.
VI
Ang pinakamahalagang bahagi ng aklat ay ang kulminasyon nito sa huling sanaysay. Mararamdaman ng mambabasa ang tahimik na pagluha ni Garcia—hindi dahil sa pagkatalo, kundi sa pagtanggap. Ang pugad na kaniyang itinayo para kay Erick ay isang metapisikal na espasyo ng pag-asa at (maging) pamamaalam. Sa paglipas ng panahon, maaaring mawalan ng sigla ang mga pakpak, ngunit mananatili ang pugad bilang alaala ng pag-ibig na hindi kailanman napagod.
Sa pamamagitan ng aklat na ito, ipinakita ni Fanny A. Garcia na ang pagsulat ay isa ring anyo ng pag-aalaga. Sa bawat talata, itinatahi niya ang sariling mga karanasan upang maging gabay sa iba. Sa huli, natutunan natin na ang pag-ibig ng ina ay hindi nasusukat sa paglipad ng anak, kundi sa tibay ng pugad na kaniyang iniwan.
Sa pugad na iyon, matatagpuan natin hindi lamang si Erick, kundi ang ating mga sariling patuloy na naghahanap. Patuloy na nagmamahal.
Bilhin ang libro: Website | Shopee and Lazada
Si Eric Jhon Bituin ay masugid na mambabasa ng panitikang Filipino. Siya rin ay mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat at mababasa ang kanyang mga malikhaing akda sa Likhaan Journal ng ICW at Agos Journal ng SWF. Mahilig siyang magbasa ng mga nobela at koleksyon ng maikling kuwento na tumatalakay sa pang-araw-araw na buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan. Miyembro rin siya ng Pinoy Reads Pinoy Books.