Commencement Address by H.E. Benigno Aquino III, President of the Philippines
26 Jun 2016 | H.E. Benigno Aquino III, President of the Philippines
Talumpati ni Kagalang-galang Benigno S. Aquino III, Pangulo ng Pilipinas, sa kanyang pagdalo sa misa para sa mga magtatapos sa mga paaralang Loyola, Pamantasang Ateneo de Manila ika-25 ng Hunyo, 2016.
Unang-una ho, hihingi ako ng paumanhin, nadelay ang ating proceedings today. Isa lang ho ang dahilan: Sa isang broadsheet po, nakalagay na ito na po ang huli kong pormal na talumpati sa aking panunungkulan. Siyempre may pressure po. Kagabi po ay may kabatch ako, tinext ako. Nabigyan raw ng ticket ni Fr. Jett; gusto raw niya akong mapakinggan ngayon. Sinundan pa ng isang pinsan ko na pinaalala sa akin bigla, at doon ko lang po naalala, na mayroon pala akong pamangkin na mag-gragraduate sa batch na ito. Sabi ko, napakatindi yata ng pressure ninyo. Siyempre, dito ay pakikinggan tayo ng ating peers. Pinakamahirap na sukatan ko o batayan ay iyong ginagawad ng ating mga peers. Sana po iyong ating pang-apat na nilikhang talumpati ay, sa wakas, magtagumpay. Sabi pa ni Fr. Jett kanina, sanay raw ako sa cramming.
Nakita ko ho si po si Fr. Jett kanina at naalala ko po ang palitan namin ng text nung ako po’y minsan ay nasa Cagayan de Oro, at siya po ay presidente ng Xavier sa Cagayan. Sabi po ng text niya, “Kung may oras ka, daan ka naman dito.” Inimbitahan niya po ako sa Xavier University. Ang sabi ko sa kanya, “Pasensiya ka na, lima ang lakad ko sa Cagayan de Oro ngayong araw na ito. Medyo masikip ang schedule.” Napaisip po ako sa sumunod niyang reply. Sabi niya: “Nauunawaan kita. Talagang mahirap iyang napasukan mo. Siguro diretso ka na sa langit.” [Laughter] Sabi ko, baka naman may nalalaman si Fr. Jett na hindi ko alam, bakit naman kaya diretso na sa langit? Tanong ko po, bakit kaya niya nasabi ‘yun? Ang tugon niya: Kasi daw, parang nasa purgatoryo na ako dahil sa pinagdaraanan ko bilang pangulo ng Pilipinas. Ipagdarasal niya raw ako palagi.
Binalikan ko ang palitan naming iyon nang maging presidente ng Ateneo si Fr. Jett. Pinadalhan ko siya ng mensahe. Sabi ko, “Pre, congratulations. May kadamay na ako sa purgatoryo. [Laughter] Pero ipapaalala ko lang: Anim na taon lang ang sa akin, yung sa ‘yo puwedeng umabot ng 18 taon. Ipagdarasal rin kita palagi.”
Ngayon nga pong malapit na akong mag-graduate bilang pangulo ng Pilipinas, iniisip kong magtitinginan na lang kami ni Fr. Jett at ngingiti sa amin pong private joke. Kaya lang, sa tuwing makakaharap ko ngayon ang media, sa tuwing lumalabas ako, o kaya kapag may kakilalang nagpapadala ng text, ang tanong palagi, “Ano na ang gagawin mo pagbaba sa puwesto?” Akala ko normal na tanong lang. May curiosity, ika nga. Pero may nakausap po tayong isang cadet engineer ng DPWH, parang nag-iba ang kulay ng tanong. Sabi po niya: “What can we expect of you when you step down?” Ganoon rin ang tinutumbok ng isang presidente ng kilalang pederasyon ng negosyante. Ang tanong niya sa akin: “Anong posisyon ang tatakbuhan mo sa 2019?” Bigla po akong napasabi ng “Ha?” Ang sagot niya: “Bata ka pa naman, marami ka pang magagawa.” At nung medyo mabagal akong tumugon, dinagdag pa niya, “We will support you all the way.” Sa loob-loob ko po, teka, kulang pa ba ang naibigay at pinagdaanan ko nitong nagdaang anim na taon?
Nagtataka rin ako kung bakit marami ang nagsasabing, “We will miss you.” Kung minsan po ay napipilitan tayong sumagot ng “Sandali lang nandito pa ako, bakit na ninyo ako nami-miss? At pagkatapos po ng termino ko, sa Times po ako titira. Hindi naman ako aalis.”
Noon namang bisperas ng Father’s Day, naghapunan ako sa isang mall. Sa palapag na yun, magkakatabi ang mga restawran. May isang mesang bumati agad at nakipagkamay. Maya-maya, marami nang nagpapalakpakan, pati sa katabing mga kainan. Napatanong po ako sa sarili: Nagpapalakpakan ba sila dahil sa tuwa sa akin, o masaya silang aalis na ako? [Laughter] Palagay ko po ang tamang sagot: Sa dami ng nagpapicture, malamang naman natuwa naman po sila sa atin.
Alam niyo po, sa totoo lang, hindi naging madali ang paggawa ng talumpating ito. Nabanggit ko na nga po kanina, sa katunayan, pangatlong bersiyon na ito. Bersiyon po, hindi rebisyon. Kasi parang may hindi natutumbok ang mga una naming draft. Sa pagkakaalala ko kasi, noong nagsalita ako dito, graduation din, noong 2011, naging maganda ang pagtanggap sa akin. Ang reklamo ko lang pong natanggap, hindi ko raw po binigyan ng pagkakataong pumalakpak ang mga tagapakinig. Siyempre, bilang Atenista, bukod sa pagiging humble ay may konsepto rin tayo ng Magis: Kailangan nating higitan ang nauna.
Tatlumput-limang taon na po ang lumipas mula nang magtapos ako sa Ateneo. Kaya nga habang nag-iisip ng sasabihin ngayong umaga, minabuti ko pong humingi ng payo sa mas nakakatanda sa akin. Nagtext ako kay Fr. Jett, na grumaduate naman 36 years ago. [Laughter] Ang sagot niya sa akin: “Just speak from your heart; tell of the things that inspired you, sustained you. And perhaps that will in turn inspire and challenge these aspiring young ones to become men and women for others, generous enough to offer their lives for our people,” tapos nilagyan niya po ng smiley-face sa dulo.
Maganda po ang payo ni Fr. Jett, kaya binalikan ko ang mga karanasang humubog sa akin. Siyempre, kapag tumitingin sa nakaraan, hindi maiiwasan ang maikumpara ito sa kasalukuyan. May mga lumilitaw na pagkakatulad at pagkakaiba. Halimbawa po, sigurado ako na hanggang ngayon, kapag dumadating ang finals week, dumadami ang nagsisimba sa mga chapel dito sa Ateneo. Maganda ngayon dahil meron na kayong Church of the Gesu, kasi magkakasya na po ang mas maraming gustong magdasal.
Tiyak ko rin na tuwing oral exam sa Philosophy, nariyan pa rin ang mga gurong matindi ang poker face. Meron din namang bawat salita mo ay may reaksiyon sa mukha nila. Hindi ka tuloy sigurado kung tama o mali ang sinasabi mo.
Marami ka pa ring matututuhan kahit nasa labas ka ng classroom. Noong araw po namin dito, sa cafeteria natuto kami ng isang mahalagang aral sa marketing. Dumating noon ang panahon na maraming estudyante ng Biology ang nagda-dissect ng pusa sa kanila pong klase. ‘Yun din po ang panahon na nagsimulang magbenta ng siopao ang cafeteria. [Laughter] Wala pong bumili. Doon namin nalaman na mahalaga ang timing sa paglalabas ng produkto. [Laughter]
Nagtataka kami noon kung bakit simpleng pagpaandar ng home theater system, hindi magawa ng magulang namin. Sa henerasyon ko, meron namang nakakaunawa ng Facebook, Twitter, at Instagram. Pero malamang, di hamak na mas dalubhasa ang kasalukuyang henerasyon. Nung panahon po ng magulang ko, ang entertainment po nila ay naiikot lamang sa radyo at sine. At sa sine, may kategoryang tinatawag na cliffhanger. Binibitin ang aksiyon, at malalaman mo ang susunod matapos ang dalawang lingo, pagbalik mo sa sinehan. Kayo na sanay na sanay sa Netflix, baka mabuang sa tagal ng paghihintay. Kung gusto naming magbakasyon, sa semestral break mangyayari, at pag-iipunan namin nang mahaba. Ngayon po, tila mas malaki na siguro ang suweldo ng ating kabataan. Ang kuwento nga sa akin ni Secretary Almendras na akin pong ka-batch, ‘yung anak niya raw na nagtapos sa Ateneo noong 2011, nakakapag-out of town at least once a month, nang hindi humihingi ng subsidy sa kanyang mga magulang.
Pero siyempre, may mga pagkakaiba na talagang matingkad. Malamang, ang mga guro at magulang niyo, sinasabi na mag-aral kayo nang mabuti bilang paghahanda sa mas magandang kinabukasan. Sinabi din po sa amin yan. Pero mahirap isabuhay dahil sa panahon namin sa ilalim ng diktadurya, hindi sigurado kung may kinabukasan kami. Kapag nagsalita ka laban sa kanila ay puwede kang makulong, ma-torture, o mapatay. May mga kuwento nga noong panahon na iyon: Ang mga negosyante, ayaw nang palakihin ang kanilang mga negosyo. Dahil kapag nakita ng mga crony ng diktador na medyo umaasenso ka, puwedeng kainggitan ka at agawin sa iyo ang lahat ng pinaghirapan mo.
Marahil, nabasa na rin ninyo ang nangyari sa aking ama noong panahong iyon. Ginawa lang naman niya ang kanyang trabaho bilang Senador. Nang makakalap siya ng impormasyon tungkol sa pang-aabuso, isiniwalat niya ito. Pinalagan niya ang pang-aapi at pagiging ganid ng diktador. Dahil dito, inaresto siya habang nagtatrabaho sa gitna ng gabi, at ikinulong.
Kung tutuusin, kahit papaano ay masuwerte pa rin kami dahil nakita pa namin ang aking ama. Malawakan ang pagyurak sa karapatan noong mga panahong iyon. Senador ang tatay ko, pero ganoon na ang nangyari sa kanya. Paano pa kaya ang iba. Marami po ang pinaslang. Ang masaklap, hanggang sa ngayon ay hindi na nalaman kung ano ang nangyari.
Baka rin nabasa na ninyo: Hindi ako nakadalo sa sarili kong graduation noong panahon ng aking pagtatapos. Mahirap umalis sa bansa noon; kailangan mo pa ng pahintulot. Sa kabutihang palad ay nakakuha po tayo ng exit permit. Sa pag-aalala ng magulang ko na baka bawiin ang permit, kinailangan kong umalis limang araw bago ang seremonya.
Noong nasa exile kami sa Boston, naging bahagi kami ng maliit na komunidad ng mga pilipino doon. Hindi ko po malilimutan ang nakasama namin doon na mag-asawa. Gumagawa sila ng kutsinta tuwing Pasko. Naisip ko po: Sa Pilipinas, napakadaling maghanap ng kutsinta; sa Boston, once a year mo lang matitikman. Tapos po, tigalawang piraso lang kayo. Sa telebisyon po, sa advertisement ng Florida, ang sinasabi ay hanggang sa ngayon ay naaalala ko: “warm breeze and palm trees of Florida” habang winter sa boston at ginaw na ginaw ka. Lalo kang magiging homesick. May dumadalaw naman sa amin, at dahil doon nakakabalita kami. Pero darating ang punto na aalis na sila. Maiiwan kaming nagtatanong kung kailan ba kami mismo makakauwi. Ang pinanghawakan namin noon: Tiwala sa Panginoon. Nanalig kami na hindi niya kami bibigyan ng pagsubok na hindi namin kakayanin. Na may dahilan ang lahat.
Alam naman ninyo ang nangyari nang bumalik sa Pilipinas ang aking ama. Hindi pa siya nakakatapak sa tarmac, pinaslang na siya. Ito ang naging mitsa ng paggising ng Pilipino, upang sa EDSA ay muling mabawi ang ating kalayaan.
Sabi po ng pilosopong si Edmund Burke: “The only thing necessary for the triumph of evil is for good men to do nothing.” Tapos na ang panahon ng diktadurya, pero hindi naman nawawala ang pangangailangan na makisangkot sa mga isyung panlipunan. Kabahagi ‘yan ng pagiging “men and women for others.”
Siguro noong una niyong marining ang “men and women for others,” sabi niyo, tama. Magandang pilosopiya sa buhay. Iiwan ko na lang sa mga relihiyoso at pilosopo ang espiritwal na dahilan kung bakit dapat tayong mabuhay para sa kapwa. Hayaan ninyong pasukan ko ang lohikal na antas, at kung bakit pagsukat natin sa lohikal na antas ay makikita na ang kabuluhan ng prinsipyong ito.
Ano ang ibig kong sabihin dito? Di ba, kung magpapatuloy ka ng sistema na hindi sasagad sa pagkakataon ng iyong kapwa, iniiwan mo sila sa mababang kalagayan. Sabi nga sa liberation theology, “if you do not fight an oppressive structure, you are supporting it.” Halimbawa po, kung ikaw ay negosyante, at hindi mo tiningnan ang iyong manggagawa bilang kapwa, at bagkus, bilang factor of production, ano ang mangyayari? Bibigyan mo sila ng maliit na sahod para maliit din ang iyong gastos. Maitutulak mo sila sa buhay na isang kahig isang tuka, na lalo pang lalala nang lalala sa bawat henerasyon. Parang sinisigurado mo na rin na pati yung sarili mong pag-asenso ay inipit mo na rin.
Kung abutin naman sila ng pagka-desperado at naging handang kumapit sa patalim, paano ka makasisiguro na magiging exempted ka sa krimeng baka napilitan silang gawin? Kapag nagkasakit sila at nagkaroon ng epidemya, paano ka makakatiyak na exempted ka sa sakit? Malinaw naman sa ating kasaysayan: Walang problemang nalutas dahil sa mga taong walang pakialam.
Ito nga ang dahilan kung bakit namin sinikap na maging government for others. Para sa kahit sinong sisipat nang patas sa ating mga nagawa, malinaw: Itinuon natin ang gobyerno sa kapakanan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan. Mayroon pong 7.7 milyong indibidual nakaahon sa kahirapan dahil sa Pantawid Pamilya. Mula ho 47 milyon noong 2010, naitaas natin sa 93 milyon ang nakikinabang sa Philhealth. Isinara natin ang mga minanang backlog sa classroom, textbook, at upuan sa mga paaralan. Tinanggal natin ang wangwang sa mga sistema at proseso ng pamahalaan. Mula sa pagiging Sick Man of Asia, kinikilala na tayo ngayon bilang Asia’s Darling at Asia’s Bright Spot. Ginawa nating moderno ang ating kapulisan at Sandatahang Lakas. Ang budget na dating palaging reenacted kaya nagagamit bilang kasangkapan upang mangurakot, ipinasa natin sa tamang panahon taon-taon, at nang laging nakatuon sa makatuwirang paggugol ng pera ng bayan. Kung tutuusin, matatayog na pangarap lamang ang mga ito noon. Pero ika nga, we dared to dream. At dahil diyan, puwede naming tingnan sa mata ang kahit sino at sabihing: Sinagad namin ang pagkakataong ibinigay sa amin para maibigay ang nararapat sa mas nakararami, imbes na sa iilan lang.
Lahat ng ito, at marami pang iba, nagawa dahil nakiambag ang napakaraming Pilipino: Sa loob ng administrasyon at sa pribadong sektor, sa sarili nating mga paraan, malaki man on maliit, pansin man o hindi ng madla.
Sa puntong ito, gusto kong pasalamatan ang mga Atenistang nakiambag nitong mga nakaraang taon. Hindi nagkulang sa pakikilahok ang Ateneo community sa anumang diskursong bumabalot sa lipunan. Nang may mga pilit na ipinapalimot sa atin ang bangungot ng Martial Law, isa ang Ateneo sa mga unang naglabas ng kolektibong pahayag. Sa patung-patong na sakunang inabot natin, hindi na kailangang hilingin pang maging volunteer center ang college covered courts, at hindi rin nagkulang ang mga nakibuhat at nagrepack ng mga relief goods. Napakaraming mga graduate na piniling maglingkod sa gobyerno, sa halip na kumita nang mas malaki sa pribadong sektor. Sa totoo lang, kung sinasabi ninyong na-inspire kayo sa akin, tutugon naman ako: Nagsilbi rin kayong bukal ng inspirasyon para sa akin.
Sigurado ako, marami sa inyo ay pinag-iisipan kung ano ang gagawin nila pagkatapos ng graduation. Malamang ang iniisip niyo ay tulad ng iniisip ko, kaya lang ako ay 35 years ago. Ano kaya ang nakasalalay sa hinaharap ko? Para sa akin po, may mapupulot tayo sa atin pong alma matter song, ang Song for Mary.
Nagsisimula ang ating alma mater song sa mga linyang “We stand on a hill between the earth and sky. Now all is still where Loyola’s colors fly.” Para sa akin, ang burol ang Ateneo, ang ating mga kaibigan, at ang ating pamilya na humubog sa atin. Kabilang sa mga natutuhan natin ang pagiging kritikal sa mga nangyayari sa ating paligid. Kumbaga, sinanay tayong hindi maging kaladkarin o sumabay na lang basta sa agos ng nangingibabaw na opinyon. Nung huling taon nga namin sa Ateneo, ang sabi ng mga guro namin: Kung pagkatapos ng lahat, ang alam niyo lang ay facts and figures, nabigo kami. Tinuruan namin kayong kumuwestyon sa nakasanayan. Nagtagumpay kami sa pagtuturo kung “now you know that you do not know.”
Ibig ding sabihin, kasabay ng pag-aaral at pagmumuni, kailangan din nating tanggapin na tao tayong nilikha. Hindi perpekto at may hangganan ang ating kakayahan. Matindi ang mga pagsubok na kakaharapin natin. Kaya tayo dumudulog na panatilihin tayong totoo at buo ang pagtitiwala sa Poong Maykapal at sa Birheng Maria. Sila ang pupuno sa hindi natin kaya. Kaya nga angkop din ang panalangin: “We pray you’ll keep us, Mary, constantly true/We pray you’ll keep us, Mary, faithful to you!”
Sa buhay ko po, marami akong hamon na pinagdaanan. At isa sa pinaghuhugutan ko ng inspirasyon ang nangyari sa aking mga magulang. Ano ba naman itong pinagdaanan ko kumpara sa nalampasan nila. Ang pinaghuhugutan ko ng lakas ay ang pananampalataya sa magandang plano ng ating Panginoon para sa atin lahat.
At bukod sa pananalig, makikita rin ang isang matinding panawagan sa bawat isa sa atin. “Down from the hill, down to the world go I,” ang sabi ng atin pong kanta. Hindi tayo nagsanay para lang magkulong sa isang ivory tower. Hindi para sa sarili lang ang tuon ng kaalamang nakalap natin dito. Down from the hill: kasama, kahalubilo ng ating mga kapwa, upang maging kasangkapan ng Panginoon. Palagi, sa kapwa ang tuon. Sa kalakhang mundo. Dahil tayo ay men and women for others.
Mga kapwa ko po Atenista: Lahat ng pinagdaanan niyo dito sa Ateneo, lahat ng itinuro sa inyo nila Fr. Jett at ng inyong mga guro ay paghahanda para sa mas malawak at mas masalimuot na mundo ng pagiging tao-para-sa-kapwa. Itong graduation ninyo ay tanda ng inyong tagumpay sa kontroladong mundo ng Loyola Heights. Anuman ang landas na inyong piliin, huwag niyo sanang kalimutan ang lahat ng ibinahagi sa inyo dito sa Ateneo. Ngayon, kasama ako sa mga buong-buong nagtitiwala sa inyo: Nawa’y humayo kayo at maging “Lux in Domino,” taas-noo kayong maging Men and Women for others, at maging mga exemplar ng sigasig, malasakit, at integridad sa mahaba ninyong paglalakbay “down from the hill.”
Maraming salamat, at isang malugod na pagbati po sa inyong lahat at sa inyong mga magulang.