Skip to main content

Main Secondary Navigation

  • About Ateneo de Manila
  • Schools
  • Research
  • Global
  • Alumni
  • News
  • Events

Main navigation

  • Learn & Grow
  • Discover & Create
  • Make an Impact
  • Campus & Community
  • Apply
  • Home >
  • News >
  • Pagpapaliwanag tungkol sa Notice of Strike at sa Isyu ng Work Rotation

Pagpapaliwanag tungkol sa Notice of Strike at sa Isyu ng Work Rotation

06 Nov 2025

Read in English


Paglilinaw tungkol sa mga katotohanan, pagpapairal ng due process, at pagpapanatili ng maayos na impormasyon sa pamayanan

 

1. Ano ang isyung tinutukoy dito?

Noong Oktubre 23, 2025, naghain ng Notice of Strike ang Ateneo Employees and Workers Union (AEWU) sa Department of Labor, na nagsasabing ang Pamantasan ay nagsagawa diumano ng Unfair Labor Practice (ULP) sa pagpapataw ng mga parusang pandisiplina sa ilang opisyal at miyembro ng unyon.

Mariing itinatanggi ng Pamantasan ng paratang na ito. Ang mga hakbang na pandisiplina ay hindi ganti o paghihiganti, kundi bunga ng due process matapos mapatunayang nagkaroon ng paglabag sa mga patakaran ng Pamantasan, kabilang ang sinadyang pagsuway, ang hindi pagsunod sa utos, at pagsasagawa ng mga di-awtorisadong pagpupulong sa oras ng trabaho.

 

2. Ano ang pinagmulan ng mga hakbang na pandisiplina?

Ang isyu ay nagsimula sa Work Rotation Program ng Custodial Services Group, na idinisenyo upang mapahusay ang kakayahan, pananaw at sigla sa trabaho, at propesyonal na pag-unlad ng mga kawani.

Nagkaroon ng mga konsultasyon sa lahat ng kasali sa programa mula pa noong Abril 2024, na sinundan ng mga dayalogo at oryentasyon noong Mayo, Agosto, at Setyembre 2024.

Sa kabila ng kanilang pahayag ng pag-aalinlangan, ang Unyon ay sumang-ayon sa pagsunod bagama’t “under protest”. Kinilala pa rin nila ang programa bago ito ipinatupad.

Gayunman, ang ilang mga opisyal at miyembro ng Unyon ang tumangging sumunod sa paunang pagpapatupad ng rotation noong unang bahagi ng Setyembre 2024 at nagsagawa ng mga di-awtorisadong pagpupulong sa oras ng trabaho, samantalang ang iba ay agad na tumugon at lumipat sa kanilang bagong lugar ng serbisyo.

Ang mga pagpupulong na ito ay patunay ng sabayang pagkilos ng ilang opisyal at miyembro upang huwag sundin ang itinakdang rotation schedule.

Dapat tandaan na sinusunod ng dalawang panig (Unyon at Administrasyon) ang isang protocol para sa pagtakda at pag-apruba o pagtanggi sa mga pagpupulong ng Unyon sa oras ng trabaho.

Ang mga hakbang na pandisiplina na isinagawa ay nakabatay sa mga indibidwal na paglabag sa isang legal na utos at sa naging epekto nito sa operasyon, at hindi sa pagiging kasapi o sa aktibidad ng unyon.

 

3. Parusa ba o di makatarungan ang Work Rotation Program?

Hindi. Ang Work Rotation Program ay isang capacity-building initiative na layuning:

  • Palawakin ang karanasan at kakayahan
  • Pahusayin ang motibasyon at pagtutulungan
  • Itaguyod ang kalusugan at mabawasan ang burnout
  • Palakasin ang flexibility at pag-unlad sa karera

Ito ay dumaan sa mga konsultasyon at pagpapaliwanag na isinagawa nang ilang ulit bago ipinatupad. Ang partisipasyon sa programa ay  hayag, sa pamamagitan ng bunutan ng kung sino at saan lilipat, at pagkakasunduan sa pagitan ng mga manggagawa.

Mahalagang malaman na ayon sa Article 4, Section 1 ng Collective Bargaining Agreement (CBA) tungkol sa Prerogatives o mga Gampanin ng Administrasyon, kinikilala ng Unyon na ang mga sumusunod na tungkulin ay saklaw lamang ng karapatan ng Administrasyon, kabilang ang iba pa:

  • Pagsasanay, pamamahala, at pagtatakda ng iskedyul ng mga kawani;
  • Pagpapatupad o pagbabago ng mga alituntunin at patakaran para sa maayos at mahusay na trabaho, at pagpapanatili ng pamantayan ng pagganap para sa lahat ng uri ng gawain;
  • Pagpapanatili ng disiplina at maayos at mahusay na daloy ng trabaho sa hanay ng mga kawani;
  • Pagpo-promote, paglilipat, pagsuspinde, o pagtatanggal sa mga kawani kung may sapat na dahilan, kakulangan ng trabaho, o iba pang lehitimong dahilan; at
  • Pagsasagawa ng mga karaniwang tungkulin at karapatan ng pamunuan sa pagpapatakbo ng Pamantasan.

 

4. Pinaparusahan ba ang mga opisyal dahil sa kanilang tungkulin sa unyon?

Hindi. Ang mga suspensiyon ay hindi kaugnay sa kanilang posisyon sa Unyon, kundi sa pagsasagawa ng di-awtorisadong pagpupulong sa oras ng trabaho at/o paunang pagtangging sumunod sa rotation directive, na parehong paglabag sa umiiral na mga patakaran.

May mga nakatakdang alituntunin sa pagdaraos ng mga pagpupulong ng unyon, na dati nang sinusunod ng AEWU.

Ang mga parusang ipinataw ay mula 1 hanggang 10 araw, at dumaan sa due process, kabilang ang nakasulat na abiso, pagdinig, at naitalang desisyon.

 

5. Nadisiplina rin ba ang mga hindi opisyal ng unyon?

Oo. Kapwa mga opisyal at mga miyembro ng unyon ang parehong napatawan ng disciplinary action, na isinagawa alinsunod sa due process at pagkakaroon ng substantial evidence. 

Dalawang kaso ang isinampa:

  • Una, para sa hindi pagsunod sa work rotation scheme
  • Ikalawa, para sa pagsasagawa ng di-awtorisadong pagpupulong sa oras ng trabaho

Sa unang kaso, 51 maintenance staff ang napatunayang nagkasala ng insubordination, willful disobedience, at sabotage.

  • 50 staff – pinatawan ng 6 na araw na suspensyon, pinagaan sa makataong konsiderasyon
  • 1 staff – pinatawan ng 16 na araw na suspensyon dahil dumalo rin sa Mayo 31, 2024 meeting sa UHROSS

Sa ikalawang kaso, na may kinalaman sa mga di-awtorisadong pagpupulong:

  • 18 non-officers – na-dismiss ang mga kaso
  • 30 non-officers – napatunayang lumabag dahil sa pagliban sa lugar ng trabaho, pag-aasikaso ng personal na gawain, o pagpupulong na hindi kaugnay sa trabaho. 27 ang sinuspinde ng isang araw, at 3 ang binigyan ng babala matapos magpahayag ng pagsisisi.

Ang parehong due process at pamantayan sa pagdidisiplina ay ipinairal nang pantay sa pagitan ng mga opisyal at di-opisyal.

 

6. Bakit naghain ng Notice of Strike ang AEWU?

Naghain ng Notice of Strike ang AEWU sa Department of Labor and Employment (DOLE) isang araw matapos magsumite ng kanilang apela ang pangulo at bise presidente ng Unyon hinggil sa mga ipinataw na parusa.
Noong panahong iyon, ang pangulo ng Unyon ay naka Union Leave with Pay upang dumalo sa isang seminar tungkol sa unyonismo.

Ipinakikita ng pagkakasunod-sunod na mga pangyayari na ang paghahain ng Notice of Strike ay may kaugnayan sa mga kasong pandisiplina na nasa proseso pa ng pag-apela, at hindi nauukol sa isang bagong labor grievance.

Ang karapatang magwelga ay kinikilala at iginagalang ng Pamantasan. Gayunpaman, hindi ito dapat gamitin upang umiwas sa pananagutan o upang pilitin ang Pamantasan na baguhin ang mga lehitimo nitong pasya.

 

7. Sino ang tunay na makikinabang sa strike na ito?

Tila pinasusulong ng welga ang pansariling interes ng ilang opisyal na naparusahan, at hindi ang kapakanan ng mas nakararaming miyembro ng Unyon.

  • Ang mga parusang pandisiplina ay pang-indibidwal, hindi pangkolektibo.
  • Pinakikinabangan ng lahat ng housekeeping staff ang Work Rotation Program sa larangan ng pagsasanay, exposure, at propesyonal na paglago nila.
  • Ang strike ay magdudulot ng pagkaantala sa mga serbisyong mahalaga sa buong pamayanan ng Pamantasan.

Sa kabuuan, hindi ito nakakatulong sa kabuuan ng Unyon; bagkus ay nakaaantala ito sa trabaho, kabuhayan, at pagkakaisa ng komunidad.

 

8. Sinunod ba ng Pamantasan ang due process?

Oo. Isinagawa at isinasagawa ng Pamantasan ang pagdinig sa mga kaso alinsunod sa mga itinakdang proseso sa ilalim ng Employee Code of Discipline.

Ang lahat ng parusa ay may sapat na batayan, ipinapataw nang makatarungan, at maayos na nadokumento.

 

9. Ano ang direksiyon ng Pamantasan sa mga susunod na hakbang?

Ang Pamantasan ay nananatiling bukas sa pakikipag-dayalogo sa Unyon at iginagalang nito ang mga karapatan ng Unyon, alinsunod sa matagal nang paninindigan nito sa makatarungan, malinaw, at makabuluhang ugnayang paggawa.

Kinikilala ng Pamantasan ang Unyon bilang mahalagang katuwang sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga empleyado at sa pagsulong ng mga layunin ng institusyon.

Ang dayalogo na nakabatay sa kabutihang-loob at paggalang ay mahalaga sa pagpapanatili ng maayos at produktibong ugnayan sa trabaho.

 

10. Ano ang ibig sabihin nito para sa komunidad ng Ateneo?

Ang Pamantasan ay patuloy na kumikilos nang may mabuting-loob at kinikilala ang due process, na nakabatay sa katotohanan, katarungan, at kabutihang panlahat.

Ang lakas ng pamayanan ay nakasalalay sa pagdayalogong nakabatay sa mga katotohanan at paggalang sa proseso—hindi sa banta, maling impormasyon, o hinaing na walang batayan.

Patuloy na nagsisikap ang Ateneo na mapanatili ang isang makatarungan at makataong lugar ng paggawa, habang tinitiyak na ligtas at hindi naaantala ang mga gawaing pang-edukasyon at paghubog.

 

Pahayag na Pangwakas

Ang karapatang mag-organisa ay kinikilala at pinangangalagaan ng Ateneo, ngunit kasinhalaga rin ang pagtataguyod ng integridad at pananagutan.

Patuloy na bukas ang Pamantasan sa pakikipag-dayalogo sa AEWU, sa diwa ng paggalang at pagtutulungan, habang tinitiyak na ang ating sama-samang misyon ng paglilingkod, pagpapahalaga sa katotohanan, at pagpapalaganap ng kabutihang-panlahat ay patuloy na maging sentro ng ating mga pagkilos.

 


Pahayag ng Paninindigan hinggil sa Isyung Unfair Labor Practice (ULP) kaugnay ng Work Rotation Program at mga Hakbang Pandisiplina sa mga Opisyal at Kasapi ng AEWU (28 Oct 2025)

General Interest Administration Administration Cluster Human Resources
Share:

Recent News

Bending toward justice: A forum on the ICC, the Duterte Case, and victim participation

31 Mar 2026

[Hot Off the Press] Arkipelago

31 Mar 2026

Matthew General clinches gold at Excalibur Fencing Tournament

31 Mar 2026

Silver success for Belarmino at Wilson Epee Invitational

31 Mar 2026

From AGS to ASHS: Ateneo fencers haul 6 medals at 1st Estudio de Espada League

31 Mar 2026

Ethan Santos grabs bronze at Hampton Fencing Club’s 3rd Winter Cup

31 Mar 2026

Blue Eagle blades Santos and General grab gold in Young Musketeers meet

31 Mar 2026

Matthew General secures gold at Coach Benny Fencing Competition

31 Mar 2026

Bending Toward Justice: ALS Forum Examines the ICC, the Duterte Case, and Victim Participation

31 Mar 2026

Protecting Creativity: AIPO and Rizal Library Host Copyright Awareness Session for the Ateneo Community

31 Mar 2026

You may also like these articles

Arkipelago

31 Mar 2026

[Hot Off the Press] Arkipelago

New book from the Ateneo Press Arkipelago provides a fascinating and fantastical twist on Philippine politics and history Our country is an archipelago of stories

Copyright Awareness Session

31 Mar 2026

Protecting Creativity: AIPO and Rizal Library Host Copyright Awareness Session for the Ateneo Community

On March 18, 2026, the Ateneo Intellectual Property Office (AIPO), in collaboration with the Rizal Library, successfully conducted a Copyright Awareness Session held on the

Close up of University seal and logo at Xavier Hall

31 Mar 2026

Holy Week 2026 Holidays (Memo # UHR2526-038)

Memo # UHR2526-038 31 March 2026 TO: All Employees FROM: [Sgd] Maria Victoria T Cortez, PhD Vice President for University Human Resources SUBJECT: Holy Week

ASOG’s Tobacco Control initiatives spotlighted in DOH National Technical Working Group for Tobacco Prevention and Control

31 Mar 2026

ASOG’s Tobacco Control initiatives spotlighted in DOH National Technical Working Group for Tobacco Prevention and Control

On March 10 to 12, 2026, the Ateneo School of Government (ASOG), through its research and public policy unit, the Ateneo Policy Center, participated in

Geloy Concepcion Exhibition 2026

30 Mar 2026

Things You Wanted to Say But Never Did: Geloy Concepcion’s six-year project makes Its exhibition debut at the Ateneo Art Gallery

Geloy Concepcion’s Things You Wanted To Say But Never Did comes to the Ateneo Art Gallery this 18 April 2026. After receiving almost 300,000 messages

Love If I'm Pretty

30 Mar 2026

[Hot Off the Press] Love If I'm Pretty

New YA Release from the Ateneo Press Love If I’m Pretty tackles the nuances of growing up through complex characters and straightforward prose What do

Katipunan Avenue, Loyola Heights, Quezon City 1108, Philippines

info@ateneo.edu

+63 2 8426 6001

Connect With Us
  • Contact Ateneo
  • A to Z Directory
  • Social Media
Information for
  • Current Students
  • Prospective Students
  • International Students
  • Faculty & Staff
  • Alumni
  • Researchers & Visiting Academics
  • Parents
  • Donors & Partners
  • Visitors & Media
  • Careers
Security & Emergency
  • COVID-19
  • Campus Safety
  • Network & Tech
  • Emergency Management
  • Disaster Preparedness
Digital Resources
  • AteneoBlueCloud
  • Archium
  • Rizal Library
  • Ateneo Mail (Staff)
  • Ateneo Student Email
  • Alumni Mail
  • Branding & Trademarks
  • Data Privacy
  • Acceptable Use Policy
  • Report Website Issues
  • Ateneo Network
  • Philippine Jesuits

Copyright © 2022 Ateneo de Manila University. All rights reserved. | info@ateneo.edu | +63 2 8426 6001

Search