Nahan: Pagninilay Alay kay San Jose
22 Mar 2024
Noong nakaraang ika-19 ng Marso 2024, ipinagdiwang ng pamayang Ateneo de Manila Junior High School ang Dakilang Kapistahan ni San Jose. Ang pagdiriwang ay pinangunahan ni Reberendo Padre Lloyd V Sabio SJ, kasama si Reberendo Diakono Erwin F Arandia SJ. Ang misang ito ay tinagurian ding “Social Involvement Mass,” kaya naman kasama sa pagdiriwang ang mga bisita mula sa CSIP partner communities.
Ang misa ay nagsimula sa isang pagninilay patungkol sa buhay ni San Jose na pinamagatang “Nahan.” Isinulat ito ni G. Paulo Ven B. Paculan, mula sa Kagawaran ng Filipino, at binigkas at idinirehe naman ni G. Ronan B. Capinding, Katuwang na Punong Guro sa Paghubog. Isinabuhay ito nina G. Christian Mercader (bilang Jose) at Bb. Les Belostrino (bilang Maria), na kapwa mula sa Kagawaran ng Musika.
![Sina Bb. Les Belostrino bilang Maria at G. Christian Mercader bilang Jose](/sites/default/files/inline-images/MariaAtJose.jpg)
San Jose, butihing Ama ni Hesus, ipanalangin mo kami!
NAHAN
Paolo Ven B Paculan
(pambungad sa Misa ng Pista ni San Jose ng Ateneo-JHS 2024)
Nasaan ka, anak?
Buong akala ko’y sumama ka lang sa mga kapitbahay
at kamag-anak nating kasabay maglakbay.
Kamakailan kasi’y mas madalas mo na itong gawin.
Hindi ka na masyadong nakabuntot sa akin.
‘Yan tuloy di ko alam kung saan ka napadpad.
Pero huwag kang mag-alala, anak.
Hindi ako hihinto hangga’t di kita matagpuan.
Nariyan na kami ng Mama mo.
Bumibilis ang lakad ko pag naalala ko kung paanong
sanggol ka pa’y bumiyahe tayong pa-Ehipto
para takasan ang galit ni Herodes
na pumatay sa napakaraming inosente nating kababayan.
Kung paanong pagkamatay ng hari
saka tayo bumalik sa Galilea
at namuhay sa Nazareth nang tahimik...at tago.
Nakilala ka kaya ng mga humahabol sa atin?
Bilin ko pa naman sa’yo:
“Listo ka kapag naglalakbay tayo.”
Pasan pa kita sa balikat ko noon,
ng balikat kong basa ng luha noong iyakin ka pa
o ng laway kapag nakatulog ka na.
Kung maaari lang kitang pasanin hanggang ngayon.
Pero umaayaw ka na rin. Labindalawa ka na sabi mo. Malaki ka na.
Kung ganoon, bakit ka nawalay sa amin?
Napaano ka na kaya?
May nakakita raw sa’yo sabi ni Maria.
Sa may templo, pinaliligiran ng tao.
Bakit?
Napatakbo ako.
At pawis na pawis, halos nanginginig, natanaw kita sa wakas.
Malinis, saan ka natulog anak?
Payapa, kumain ka na ba?
Nagtatanong at sumasagot nang kakaiba, anak mag-ingat ka.
“Paano mo ito nagawa sa amin?” tanong ng nanay mong lumapit sa inyo.
Sabi mo: “Hindi n’yo po ba alam na dapat narito ako?”
Gusto kitang pagalitan. Sinagot mo ang nanay mo ng ganyan.
“Halika na!” utos niya. “Doon na tayo sa kung nasaan ka dapat. Sa bahay ng iyong ama.” Sabay tingin niya sa akin.
Pero sumagot ka uli: “Ngunit narito na po ako,” sabi mo. “Sa bahay ng aking Ama.”
Tama naman. Malinaw na sa akin iyan noon pa man.
Pero masakit pa rin palang pakinggan.
Kahit sa boses mong musika para sa iyong tatay-tatayan.
Sumama ka sa amin pauwi
at katabi kita buong biyaheng tahimik.
Pero alam ko, kailangan na kitang simulang bitawan.
Ituturo ko sa iyo lahat ng kaya kong ituro.
Ihahanda kita para sa misyong para sa iyo lang–hindi kita masasamahan.
Pero anak, alalahanin mo, ha: listo ka sa paglalakbay.
At kung sakaling kailanganin mo,
narito ang balikat kong naghihintay.
AM+DG
![Sa pinakaharap mula sa kaliwa: Reberendo Diakono Erwin F Arandia SJ, Reberendo Padre Lloyd V. Sabio SJ (Tagapamuno ng Misa), Padre Alberto V Ampil SJ, Padre Mamert B Mañus SJ, at Padre Joaquin Jose Mari C Sumpaico III SJ, kasama ang mga miyembro ng Ateneo Liturgical Ministry (ALM)](/sites/default/files/inline-images/allPriests.jpg)